US Open One Pocket Championships 2013 Bagong titulo para kay Orcollo

MANILA, Philippines - Bumalik na naman ang dating porma ni Dennis ‘Robocop’ Orcollo  matapos mag-kampeon sa US Open One Pocket Championships 2013 sa Rio All-Suite Hotel and Casino sa Las Vegas nitong Linggo. 

Tinalo ng top player ng Bugsy International Promotions Orcollo si Derby City One Pocket Champion Corey Deuel ng United States, 5-3, sa finals para sa titulo.

Nakapasok si Orcollo sa finals matapos blangkuhin si Deuel, 4-0 sa Hot Seat finals.

Hindi nagtagal si Deuel sa one-loss side nang kanyang ipalasap kay Carlo ‘The Black Tiger’ Biado  ang ikalawang talo sa tournament sa 3-2 score upang maipuwersa ng Ohioan ang finals rematch showdown kontra kay Orcollo. 

Nauna rito, tinalo ni Orcollo sina Michael Reddick, 4-1,  Danny Smith, 4-2, L. C. Carter 4-0, Larry Nevel, 4-2, at Chris Bartram, 4-2 ng USA para makaharap si Deuel sa Hot Seat final.

Ang dating mangingisda mula sa Bislig, Surigao del Sur Orcollo ay nagsubi ng top prize na US$7,500, habang nagkasya si Deuel sa US$4,800 bilang second place. May konsolasyon naman si Biado na US$3,300 habang ang iba pang Pinoy na sina Francisco ‘Django’ Bustamante, Warren ‘Warrior’ Kiamco, Jose ‘Amang’ Parica at  Santos ‘The Saint’ Sambajon ay may mga natanggap ding pabuya matapos pumuwesto.

Show comments