Si Garcia naman ang nagbida para sa FEU

MANILA, Philippines -  Ang partner ni Terrence Romeo na si RR Garcia ang siyang  nagbida sa huling panalo para hirangin bilang ikalawang ACCEL 3XVI UAAP Press Corps Player of the Week.

Nalagay sa peligro ang pagpapalawig sa naunang tatlong sunod na panalo sa laro laban sa La Salle, naroon ang beterano at dating MVP ng liga na si Garcia para pigilan ito nang pamunuan ang 83-79 overtime panalo sa kinapos na La Salle.

May 12 puntos si Garcia sa huling yugto at overtime para tulungan ang Tamaraws na manalo kahit napag-iwanan ng 13 puntos sa huling dalawa’t-kalahating minuto sa regulation.

Tumapos si Garcia na kasapi rin ng Cadets pool na balak ilaban sa SEA Games sa Myanmar sa Disyembre, taglay ang 19 puntos, 5 rebounds, 3 assists, 2 steals at 2 blocks.

 Sa season na ito, si Garcia ay naghahatid ng 16.3 puntos, 4.8 rebounds, 3 assists, 2 steals at 1 block. Tinalo niya sa lingguhang parangal na handog ng Gatorade mula sa mga mamamahayag sa national broadsheets, tabloids at online publications ang kakamping si Romeo bukod pa kina Bobby Ray Parks Jr. ng National University at JP Erram ng Ateneo.

 

Show comments