MANILA, Philippines - Kasabay ng pamamayagpag ng kabayong Spinning Ridge sa ikatlo at huling yugto ng 2013 Triple Crown ay ang labis na kagalakan na naramdaman ng isang mananaya na lumahok sa unang Winner-Take-All na pinaglabanan noong Sabado sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ang Spinning Ridge ay kasama sa nanalo sa unang set ng WTA at nakatulong ito para masuwertehan ng mananaya na maiuwi rin ang mahigit na tatlong milyong premyo na pinaglabanan.
Pinakaliyamado ang Spinning Ridge sa nanalo sa karera mula races 3 hanggang 9 pero nakuha ng tumaya ang mga dehado tulad ng Shadow Jane, My Champ at Malambing.
Ang lumabas na kumbinasyon sa 1st WTA ay 6-2-8-6-4-2-6 at nagtaya ng dibidendo na P3,034,976.20.
Ito na ang pinakamalaking premyo sa WTA na napanalunan sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. at pangala-wang pinakamalaki sa taon.
Ang numero uno sa talaan ng pinakamalaking dibidendo ay nangyari noong Abril 4 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite na umabot sa P4,510,824.60.
Noong Mayo 17 ang pinakamala-king WTA na tinamaan sa racing club na pag-aari ng Manila Jockey Club na umabot sa P2,118,527.80 habang ang huling nanalo ang ikawalo na naging milyonaryo sa WTA sa San Lazaro.
May 15 mananaya na rin ang pinalad na nagkamal ng milyong piso sa mga WTA at inaasahan pang madaragdagan ito lalo pa’t may limang buwan pa bago matapos ang taon at may malalaki pang karera na paglalabanan na maaaring dominahin ng mga di mapapaborang kabayo na magbibigay ng suwerte sa mga maliliit na tumatangkilik.