Spinning Ridge sa 3rd leg ng Triple Crown C'ships

MANILA, Philippines - Pinatunayan ng Spinning Ridge na bihasa ito sa mahabang distan-syang karera nang dominahin ang ikatlo at huling yugto sa 2013 Philracom Triple Crown Cham-pionship kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Si John Alvin Guce pa rin ang hinete ng tatlong taong kabayo na may lahing  Quaker Ridge at Humble Beginnings para sa back-to-back sa tatlong yugtong karera para sa mga edad tatlong taong gulang na mga kabayo.

Sa 2,000-metro distansya ginawa ang karera at mahusay ang pacing na ginawa ni Guce para sa Spinning Ridge na fourth choice lamang sa bentahan sa siyam na kabayong naglaban.

Ang Big Leg ang nagdala ng liderato sa pagbubukas ng aparato bago pumalit ang Sky Dragon sa kalagitnaan ng karera.

Ngunit mainit na ang Spinning Ridge at pagpasok sa huling kurbada ay nakauna na habang naghahabol ang Sky Dragon, Hot And Spicy at Boss Jaden.

Hindi na napigil pa ang pagragasa ng second leg champion para makapagtala ng halos dalawang dipang panalo sa humabol at second choice na Boss Jaden ni Jeff Bacaycay.

Ang Borjkahlifa, na pumangalawa sa second leg, ang tersero sa pagdadala ni Jonathan Hernandez habang Sky Dragon ang kumumpleto sa datingan.

May 2:12 bilis sa kuwartos na 24’, 24’, 28, 27, 28 ang winning time ng Spinning Ridge para maibigay sa Sta. Clara Stockfarm ang P1.8 mil-yong unang premyo mula sa P3 milyon na itinaya ng Philippine Racing Commission.

Ang Spinning Ridge ang ika-14 kabayo na nakadalawang titulo sa Triple Crown na nagawa ng Native Gift (1978), Paris Match (1982), Vixen (1984), French Affair (1986), Grand Party (1990), Family Affair (1992), Mushi Mushi (1994), Fight With Ho-nor (1995), West Bound (2003), Empire King (2004), Ibarra (2007), Heaven Sent (2009) at Yes Pogi (2010).

 

Show comments