MANILA, Philippines - Sampung mga baguhang kabayo na edad dalawang taon ang mag-aagawan para sa unang malaking panalo sa pagtakbo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Special Maiden Race sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Ang karerang ito ay itatakbo sa Hul-yo 20 sa bagong race track at paglalabanan sa 1,200-metro distansya.
Pinasarap ang tagisan ng pagsahog ng P1 milyong gantimpala ng nagtataguyod na PCSO at ang mananalo ay maghahatid sa may-ari ng kabayo ng P600,000.00 premyo.
Ang mga kasali ay ang Haring Araw (JT Zarate), Chancery Lane (Reynaldo Niu Jr.), Loveinthemorning (Jesse B. Guce), Tunauini (Leonardo Cuadra Jr), Move On (Fernando Raquel Jr.), Up And Away (Mark Alvarez), Willingandable (Dominador Borbe Jr.), Young Turk (Jonathan Hernandez), Asikaso (John Alvin Guce) at Mona’s Art (Val Dilema).
Sa hanay na ito ay apat ang colt at ito ay ang Haring Araw, Loveinthemorning, Young Turk at Asikaso at ang mga ito ay may handicap weight na 54 kilos habang ang nalalabing kasali ay mga fillies at may 52-kilos peso.
Ang connections ng kabayong papangalawa sa datingan ay magkakamal pa ng P225,000.00 habang ang papa-ngatlo ay may ibibigay na P125,000,00 pabuya sa may-ari nito.
Kikilalanin din ang paghihirap ng breeder ng mananalong kabayo sa P50,000.00 pabuya.
Ang mangingibabaw na kabayo ay malamang na masali rin sa itatakbo na Philracom Juvenile Colts at Fillies stakes races sa mga susunod na buwan.
Ang mga kabayong Rabble Rouser, Stand In Awe at El Libertador ang mga naunang nanalo sa Special Maiden Race ng PCSO na ginagawa para sa hanay ng mga two-year old at three-year old horses.