Walang hihiranging Triple Crown champion

MANILA, Philippines - Walang hihiranging Triple Crown champion sa taong 2013.

Maituturing na default na agad ang nakapanggulat na dehadong kabayo na Divine Eagle na nagdomina sa 1st leg ng karera sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas noong Mayo 18 dahil hindi idineklara ng connections ang nasabing kabayo.

Naorasan ng 1:36.6 ang kabayong may lahing Tempestous at Wind Rose Bud sa 1,600-metro karera para sana maging ika-sampung kabayo sa talaan ng Triple Crown winners.

'Anybody’s race' uli ang mangyayari sa second leg na itatakbo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite sa Hun-yo 15 sa mas mahabang 1,800-metro distansya dahil full gate ang magaganap na karera.

Mangunguna sa kasali ay ang El Libertador na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos at balak nilang makabangon matapos hindi tumimbang sa unang leg.

Ang Hot And Spicy na pumangalawa sa Divine Eagle ay babalik din kasama ng Haring Benedict at  Captain Ball na pumangatlo at pumang-apat sa unang yugto.

Babalik din ang Be Humble, Borj Kahlifa, Boss Jaden, Grand Strikes Girl at Spinning Ridge.

Hinigpitan ang labanan sa paglahok ng mga bagong kabayo sa pangunguna ng Big Leb na nakapagdomina sa unang Hopeful Stakes Race.

Ang iba pang bagong sali ay ang Don Albertini, Naga, Sky Dragon at Tarzan na tiyak na handang makapanilat tulad ng ginawa ng Divine Eagle.

Magiging maaksyon din ang 2nd leg ng Hopeful Stakes Race dahil sa pagkakaroon ng 13 kabayo base sa final declaration noong Hunyo 10.

Ang mga kasali sa karerang inilagay din sa 1,800-me-tro distansya ay ang Adamas, Balbonic, Big Boy Vito, Daragang Magayon, Five Star, Golden Sphinx, Jazz Connection, Mrs. Teapot, My Champ, Rabble Rouser, Santino’s Best, Sharpshooter at Stand In Awe.

Coupled entries ang Rabble Rouser at Stand In Awe sa Hopeful habang ang Borj Kahlifa at Captain Ball ay mula sa kuwadra ni Hermie Esguerra habang ang Don Albertini at Naga ay mula sa kuwadra ni Juancho Ferariza sa Triple Crown race.

Sinahugan ng nagpapakarera na Philippine Ra-cing Commission (Philracom) ang Triple Crown ng P3 milyong premyo at ang mananalo ay maghahatid ng P1.8 milyon sa kanyang connections. Ang winning breeder ay mayroong P100,000.00 gantimpala.

Ang papangalawa ay mayroong P675,000.00 pabuya habang P375,000.00 at P150,000.00 ang mapupunta sa papangatlo at papang-apat.

May P1 milyon gantimpala ang isinahog sa Hopeful Stakes at P600,000.00 sa mananalong kabayo at P30,000.00 sa mapalad na breeder.

Halagang P225,000.00 ang mapupunta sa papa-ngalawa habang P125,000.00 at P50,000.00 sa papangatlo at papang-apat sa datingan.

May mga pangambang baka mag-scratch ang mga owners ng kabayo sa nasabing karera dulot ng isinusulong na 'racing holiday' mula sa tatlong  malalaking grupo ng horse owners  na MARHO, Philtobo at Klub Don Juan.

Pero sa panayam kay Philracom chairman Angel Castano Jr., sinabi niyang tuloy ang karera sa takdang araw at kahit isa lang ang matira sakaling may mga mag-atras ng kabayo, ay maidaraos ang karera.

“Mayroon tayong nakasaad sa batas na ‘walkover rule’ na nangangahulugan na tuloy ang stakes race hanggang may isang kabayo na tatakbo. Ang mangyayari lamang ay ito na ang awtomatikong mananalo sa karera kahit maglakad ito sa pista,” wika ni Castano.

Ito dapat ang ikalawang malaking stakes race sa buwan ng Hunyo pero nagdesisyon ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ipagpaliban ang pagtakbo ng PCSO Silver Cup noong Hunyo 9.

Show comments