MANILA, Philippines - Magpupulong ngayon ang mga opis-yales ng Philippine Racing Commission (Philracom) upang desisyunan ang aksyon na kanilang gagawin bunsod ng patuloy na ‘racing holiday’ na ipinatawag ng tatlong malalaking horse owners organization sa bansa.
Ang MARHO, Philtobo at Klub Don Juan ay nagkaisa na hindi magsali ng mga kabayo matapos hilingin ang pagpapalit ng liderato sa Philracom bunga ng maraming bagay na kanilang ipinupukol.
Kasama na rito ang patuloy na pagbawas ng 3% sa kanilang mga napapanalunang premyo na ibinibigay sa Trainers’ Fund. Nais ng Tri-Org na itigil ito at ihanap ng ibang pondong mapagkukunan para maibalik ang perang ibinabawas sa mga horse owners at maibsan ang pagkalugi bunga ng pagtaas ng presyo ng pagkain at paghina ng horse racing industry.
Tumugon naman si Philracom chairman Angel Castano Jr. na wala sa kanila ang desisyon na alisin ang 3 percent na ibinabawas dahil ito ay nakasaad sa batas na lumikha sa nasabing ahensya.
Sa halip ay dapat na sa korte idulog ng Tri-Org ang usapin para malaman kung puwede ba o hindi na alisin ito.
Noon pang nakaraang Martes nagdeklara ang Tri-Org ng racing holiday pero hindi pa natigil ang karera dahil may mga nagdedeklara ng entries ng mga independent horse owners.
Ang mga karera ay mga no-bearing, no-effect race at sinahugan din ng Philracom ng mga added prizes.
Ngunit patuloy ang pagnipis ng mga kabayong tumatakbo at ang programa para sa gabing ito sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas na katatampukan lamang ng tig-apat na kabayo para sa pitong karerang paglalabanan.
Kasama sa balak na gawin ng Philracom board ay ang pagsusumite sa Malacañang ng letter of resignation para bigyan ng laya ang Pangulong Benigno Aquino III na pumili ng mga taong kanilang makakapalit. Ang pagsumite ng resignation letter ay bunsod na rin ng kahilingan ng Tri-Org na palitan ang mga nakaupo na isinaad sa liham na ipinadala kay Pangulong Aquino noong nakaraang linggo.
Dahil sa racing holiday, nagdesisyon ang Philippine Charity Sweepstakes Office na iurong ang pagtakbo sana ng Silver Cup noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite sa Hunyo 30.