Phenomenal PBA season

Labis ang kagalakan ng mga opisyales ng PBA sa kasalukuyan dahil sa malaking tagumpay ng unang dalawang komperensya ng 38th PBA season.

‘Di pa nakalatag ang mga opisyal na numero ngunit sigurado ang PBA na nalagpasan na nila ang P114-million gate receipts na naitala ng liga sa buong season noong nakaraang taon.

Binura ng PBA ang record last season sa loob lamang ng unang dalawang komperensya sa kasalukuyang season.

Ano pa kaya kung hindi winalis ng Talk ‘N Text ang Rain or Shine, 4-0, sa Philippine Cup finals, gayundin ng Alaska ang Barangay Ginebra, 3-0, sa Commissioner’s Cup championship series?

Lubhang lalong magiging malaking tagumpay ang kasalukuyang PBA season kung makakamit ng Gilas Pilipinas ang mithiing tumapos sa Top Three sa parating na 2013 FIBA Asia Championships.

Lumalabas na nakatahi ang Asian joust na ito sa kasalukuyang PBA season dahil sa mga sakripis-yong ginawa ng pro league. Una ang pagpapahiram ng mga players at pangalawa ang pag-a-adjust ng season calendar upang magbigay daan sa training at aktwal na partisipasyon ng National team sa FIBA Asia Championships.

Kasama ang sportswriter na ito na umaasang nawa’y magtuluy-tuloy ang magandang takbo ng PBA at Philippine basketball in general. Matuhog rin sana sa magandang takbo ang mithiing mag-qualify sa 2014 FIBA World Cup.

Kung papasok sa Top Three sa FIBA-Asia Championships, malamang na magiging big hit na rin ang season-ending PBA Governors Cup. Ito ay magsisimula sa Aug. 14 o pagkatapos ng FIBA-Asia tournament.

Bumalik na sa training ang Gilas Pilipinas nang matapos ang PBA Commissioner’s Cup.

Ang siste ay pilay-pilay ang pool dahil sa mga health problems nina Kelly Williams, Jared Dillinger, Ryan Reyes at Sonny Thoss.

Nagsabi si National coach Chot Reyes na nais niyang makuha si Alaska super rookie Calvin Abueva bilang kapalit ni Thoss. Since break na ng Alaska, nawa’y mahilot na mapasama nga ang premyadong rookie sa Gilas pool.

Show comments