PBA D-league Foundation cup huling biyahe sa semis sinakyan ng Big Chill

MANILA, Philippines - Kinumpleto ng Big Chill ang dominasyon sa Fruitas sa pamamagitan ng 89-83 overtime panalo sa do-or-die game sa PBA D-League Foundation Cup quarterfinals kahapon sa Blue Eagle Gym sa Katipunan, Quezon City.

Bumangon ang Superchargers mula sa 13-puntos na pagkakalubog sa halftime (27-40) at naihirit ang overtime nang maipasok ni Mar Villahermosa ang krusyal na tres para makabalik sa semifinals ng liga ang koponan ni coach Robert Sison.

Sunod na kalaro ng Big Chill ay ang nagdedepensang kampeon NLEX sa best-of-three series.

“Hindi nawala ang puso ng mga players kahit naghabol kami sa laro. Hindi ko inasahan na mananalo pa kami hanggang naipasok ni Mar ang three-pointer,” wika ni Sison.

Tig-20-puntos ang ginawa nina Jeckster Apinan at Terence Romeo at ang dalawa ay nakasama nina Villahermosa at Janus Lozada nang iwanan na ang Shakers sa overtime.

Huling tikim ng kalamangan ng tropa ni coach Nash Racela ay sa 78-77 sa buslo ni Jonathan Semira bago umiskor ng pitong sunod na puntos ang Big Chill na winakasan ng tres ni Villahermosa para lumayo na ang koponan.

May 9-puntos si Villahermosa na lahat ay nagmula sa 3-point line.

Si Pong Escobal ay mayroong 18 puntos, 12 rito ay ginawa sa first half gamit ang 4-of-4 shooting sa 3-point line. Ngunit hindi niya naduplika ang naipakita sa sumunod na mga yugto dahil sumablay ang binitiwang 6 na tres.

May 14 puntos si Roger Pogoy pero mintis ang dalawang birada sa 15-footline na nagtiyak na sana ng panalo sa regulation sa koponan.

 

Show comments