ASEAN Basketball League semifinals SMBeer vs Thailand umpisa na rin

SEMIFINALS (Best-of-5)

Laro NGAYON (Ynares, Antipolo)

8 p.m. – San Miguel Beer

vs Sports Rev Thailand Slammers

 

MANILA, Philippines - Ika-17 sunod na panalo at mahalagang 1-0 kalamangan sa best-of-five semifinals series ang nais lagukin ng mainit na San Miguel Beer sa pagharap sa Sports Rev Thailand Slammers sa ASEAN Basketball League (ABL) ngayong gabi sa Ynares, Antipolo.

Sa ganap na ika-8 ng gabi magsisi-mula ang tagisan at paborito ang Beermen sa Slammers matapos ilampaso ang mga ito sa naunang apat na pagkikita sa elimination round.

Wala si RJ Rizada dahil sa injury pero malakas pa rin ang puwersa ng tropa ni coach Leo Austria dahil sa pagbabalik ng pambatong Fil-Am guard Chris Banchero bukod pa ni shot blocking import Justin Williams na lumiban sa huling laro laban sa Westports Malaysia Dragons.

Dehado man ay asahan na gagawin ng Slammers ang lahat para maagaw ang panalo at ang homecourt advantage ng Beermen.

Sina Christien Charles at Filipino guard Froilan Baguion ang mamumuno sa Slammers na pumang-apat sa eliminasyon sa 8-14 baraha.

Naghahatid ng 19.68 puntos, 14.53 rebounds, 4.11 blocks, 1.32 steals at assists si Charles habang si Baguion ay may nangunguna sa liga na 9.24 assists per game upang isama sa kanyang 10.4 puntos at 4.5 rebounds averages.

Ang dating Beermen na si Baguion ang kauna-unahang  manlalaro rin ng ABL na naka-triple-double matapos ang 10 puntos at tig-11 rebounds at assists sa 90-75 panalo sa Saigon Heat noong Abril 5.

Sa Sabado  gagawin ang Game Two sa Philsports Arena sa Pasig City sa ganap na ika-3 ng hapon.

 

Show comments