MANILA, Philippines - Humakot si pointguard Lewis Alfred Tenorio ng Barangay Ginebra ng kabuuang 1,125 boto para kilalanin bilang Best Player of the Conference ng 2013 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Inungusan ng 5-foot-8 na si Tenorio sina rookie Calvin Abueva (861) at JVee Casio (514) ng Alaska, Jayson Castro (416) ng Talk ‘N Text at Gary David (402) ng Globalport para sa naturang karangalan.
Nagtala ang 2006 No. 4 overall pick ng San Miguel Beer at 28-anyos na si Tenorio ng pinakamataas na statistical points total na 480 points.
Ito ay mula sa kanyang 28.3 SPs a game sa likod ng kanyang mga ave-rages na 13.8 points, 5.0 rebounds, 5.1 assists, 1.9 steals at 0.1 block para sa Gin Kings.
Ang BPC award ay idinagdag ni Tenorio sa kanyang mga koleksyon na 2010 Most Improved Player award, 2010 Mythical First Team citation, 2010 Fiesta Conference Finals co-MVP honors at 2012 Williams Jones Cup MVP trophy.
Nakamit naman ni Robert Dozier ng Alaska ang Best Import award o ang ‘Bobby Parks Trophy’ mula sa kanyang nakuhang 1,233 boto.
Tinalo ni Dozier sina Vernon Macklin (926) ng Ginebra, 2012 Best Import Denzel Bowles (644) ng San Mig Coffee at Tony Mitchell (515) ng Talk ‘N Text.
Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban pa ang Alaska at Ginebra sa Game 3 ng kanilang titular showdown.