Tinanggihan ni Phil Jackson ang alok ng Brooklyn Nets na i-coach ang koponan, ayon sa source ng Yahoo! Sports.
Kinausap ni Nets general manager Billy King si Jackson noong Martes at sinabi ng 11-time champion coach na mas gusto niyang magtrabaho sa front office kaysa sa mag-coach sa kanyang pagbabalik sa NBA.
Pinaniniwalaang handang gawin ni Mikhail Prokhorov, ang bilyunaryong may-ari ng Nets, si Jackson bilang highest-paid coach sa kasaysayan ng team.
Isa si Jackson sa kinokonsulta ng Detroit Pistons sa kanilang paghahanap ng coach at inaasahang tatanggap ito ng alok mula sa Toronto Raptors para magpatakbo ng organisasyon.
Hinintay muna ng Nets ang sagot ni Jackson bago simulan ang kanilang intensibong paghahanap ng bagong coach.
Natalo ang Nets sa pitong laro kontra sa Chicago Bulls sa Eastern Conference first-round series.
Ang New York Post ang unang nagbalita ukol sa desisyon ni Jackson na tanggihan ang Nets.