Nadale si Kobe
MANILA, Philippines - Kung kailan naghahabol ang Los Angeles Lakers sa huling playoff spot sa West, nagka-injury pa si longtime franchise icon Kobe Bryant.
Sa dalawang laro sa kaagahan ng linggong ito, nagdomina si Kobe para ihatid sa tagumpay ang team.
Humataw siya sa fourth quarter kontra sa New Orleans noong Martes at umiskor ng season-high na 47-puntos kontra sa Portland makalipas ang isang araw.
Tulad ng dati, ginagawa niya ang lahat para ipanalo ang team.
Nitong Biyernes ng gabi kontra sa Golden State, nagpuwersa ng husto si Bryant tungo sa 118-116 panalo na nagresulta sa isang injury na posibleng pinakamalalang injury na kanyang natamo sa kanyang career.
May 42 segundo na lang ang natitira sa laro at lamang ang Lakers sa 117-116, na-foul si Bryant ni Warriors wingman Klay Thompson habang pa-drive sa basket. Kitang-kita ng lahat na nasaktan ito. Nakatira pa siya ng dalawang free throws at matapos ito ay marahang naglakad patungo sa locker room para sa treatment.
Pagkatapos ng laro, sinabi ng pamunuan ng La-kers na tila seryoso ang injury. Hinihinalang napunit ang kanyang Achilles tendon na karaniwang isang taon ang rehabilitation.
- Latest