Laro ngayon
(Senayan, Indonesia)
8 p.m. – San Miguel Beer vs Indonesia Warriors
MANILA, Philippines - Isang streak ang mapuputol matapos ang tagisan uli ng San Miguel Beer at Indonesia Warriors sa 4th ASEAN Basketball League (ABL) ngayong gabi sa Senayan, Indonesia.
May iniingatang pitong sunod na panalo ang Warriors para pangunahan ang liga (7-2) habang nasa pangalawang puwesto ang Beermen sa 5-3 karta, kasama ang dalawang dikit na panalo.
Ang laro ay itinakda sa ganap na ika-8 ng gabi at ang mananalo ay magtataglay ng 2-1 baraha sa kanilang head-to-head.
Babalik na sa Beermen ang mga imports na sina Brian Williams at Gabe Freeman para pala-kasin ang laban kontra sa Warriors na kumabig ng 98-96 overtime panalo sa huli nilang tagisan noong Pebrero 8.
Si Williams ay hindi nakasama ng koponan sa huling dalawang laro dahil sa knee injury habang wala si Freeman sa kinuhang 77-66 panalo sa Westports Malaysia Dragons noong Marso 2 dahil sa ipinataw na suspension ng liga.
Hinatak ng Beermen si Matt Rogers para ipalit pan-samantala kay Williams at nagtala siya ng 1-1 karta.
Bukod kina Freeman at Williams, aasahan din ng magandang laro ang pointguard na si Chris Banchero na naghahatid ng 16.3 puntos, 2.6 rebounds at 4.1 assists habang ang iba pang dapat kuminang ay sina Asi Taulava at Leo Avenido.
Sina Steve Thomas, Chris Daniels, Mario Wuysang, Jerick Canada at John Smith ang mangunguna sa Warriors na papasok mula sa 69-60 panalo sa Chang Thailand Slammers noong Marso 6.