Miami diretso sa 16-panalo Lakers isinulong ni Kobe

MIAMI -- Dumiretso sa kanilang pang-16 sunod na panalo ang Miami Heat, habang bumangon naman ang Los Angeles Lakers.

Umiskor si LeBron James ng 26 points, kasama dito ang isang go-ahead layup matapos takasan si DeQuan Jones sa huling 3.2 segundo, para igiya ang Heat sa 97-96 paggupo sa Orlando Magic nitong Miyerkules ng gabi.

“I had no intention of shooting another jumper,’’ sabi ni James.

Nauna na siyang nagmintis ng dalawang beses sa 3-point line sa huling 90 segundo.

Nagdagdag si Dwyane Wade ng 24 points mula sa kanyang 10-for-16 shooting, habang humakot si Chris Bosh ng 17 points at 10 rebounds para sa Heat na sinayang ang itinayong 20-point lead sa second  half bago nakabawi mula sa five-point deficit sa hu-ling minuto ng fourth period.

Sa New Orleans, tumipa si Kobe Bryant ng 13 sa kanyang 42 points sa pinakawalang 20-0 atake ng Lakers sa huling 6:22 minuto ng fourth quarter para makabangon buhat sa 25-point deficit at talunin ang New Orleans Hornets, 108-102.

Itinampok ni Bryant ang kanyang mga off-balance jumpers, quick-strike transition 3-pointers at mga driving layups na may kasamang foul.

Hawak ng Hornets ang isang 21-point lead sa huling minuto ng third quarter nang ikonekta ni Greivis Vasquez ang isang 3-pointer para sa kanilang 93-72 kalamangan.

Naibaba naman ng Lakers (31-31) sa 12 puntos ang nasabing abante bago muling nakalayo ang Hornets sa 102-88 mula sa dunk ni Robin Lopez sa huling 6:47 minuto ng laban.

Show comments