SMBeermen balak gumanti sa Malaysia

Laro ngayon (Ynares Sports Arena, Pasig City)

4 p.m. - Westports Malaysia Dragons vs San Miguel Beer

 

MANILA, Philippines - Sisikapin ng San Miguel Beer na gantihan ang Westports Malaysia Dragons kahit wala ang dala-wang mahuhusay na manlalaro sa koponan.

Sa ganap na ika-4 ng hapon itinakda ang bakbakan at balak ng Beermen na tabunan ang 82-76 pagkatalo sa Dragons na nangyari noong Pebrero 16 sa MABA Gym sa Malaysia.

Gagawin ito ng Beermen nang wala sina Gabe Freeman at back-up center Erik Menk.

Si Freeman ay suspindido ng isang laro matapos ang sobrang pisikal na laro nang tulungan ang Beermen sa 66-55 panalo sa Singapore Slingers noong nakaraang Linggo sa Singapore.

Sa kabilang banda, si Menk ay nabalian ng ilong at ipinaopera ito noong Huwebes  at mawawala sa koponan sa loob ng isang buwan.

“We have to make do with what we have. We must play consistent basketball and teamwork,”  wika ni Beermen coach Leo Austria.

Kailangang humugot ng magandang laro ang koponan kina Matt Rogers, Chris Banchero at Asi Taulava dahil inspirado ang tropa ni Filipino  coach Ariel Vanguardia na harapin ang laro.

May two-game winning streak ang Dragons at bukod ito sa katotohanang nais ni Vanguardia na tuluyang ibaon sa  limot ang pagkatalo sa Beermen sa semifinals noong nakaraang taon.

 

Show comments