12 kabayo mag-uunahan para sa Sorteo Cup

MANILA, Philippines - Makikisingit ng atensyon ang 12 kabayo na tatakbo sa Sorteo Cup ngayong hapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Tampok na karera sa pagtatapos ng isang linggong pista sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ay ang P2 million PCSO Freedom Cup Race Open ngu­nit tiyak na hindi magpapahuli ang mga magtata­gi­san sa Sorteo Cup kung aksyon ang pag-uusapan.

Magpapasigla sa 1000-meter sprint race ang isina­hog na P180,000.00 premyo na makukuha lamang ng mananalong kabayo na magtitiyak na palaban ang la­hat ng mga kasali.

Ang mga magpapanagupa ay ang Speed Maker (CP Henson), Doctor Choice (ED Villahermosa), Du­go’s Paramour (Dar De Ocampo), Ice Storm (RR De Le­on), Dragon May (EG Reyes Jr.), Quaker’s Hill (JA Guce), Vergara (V Dilema), Smiling Julia (JPE Vil­lanueva), Color My World (LT Cuadra Jr), Chinoi (LF de Jesus), State Witness (P Dilema) at Jade And Dia­mond (JB Cordova).

Ipinalalagay na maliliyamado ang mga kaba­yong State Witness at Color My World matapos ang ma­gandang itinakbo sa huling karera.

Sakay pa ni Russel Telles, ang State Witness ay pu­mangatlo sa class division 2 race noong Pebrero 8, habang ang Color My World ay pumangalawa sa na­sabi ring karera.

Si Pat Dilema ang hahalili kay Telles sa pagdiskart­e sa pitong taong kabayo na pinaniniwalaang magbibigay ng mas magandang tsansa para manalo.

Lahat ng kabayo maliban sa Ice Storm ay galing sa laban kaya’t tiyak na kondisyon ang mga ito na mag­titiyak ng kapana-panabik na resulta ng karera.

Ang post time ng Sorteo Cup ay sa ganap na ika-3:30 ng hapon at kasunod nito ay ang  pagtakbo ng tam­pok na karera na Freedom Cup na handog ng Phi­lip­pine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Pinapatok ang 2012 Horse of the Year Hagdang Ba­to na tatakbo kasama ang coupled entry Barkley, sa 1,600m karera habang ang magiging karibal ay ang Mag­na Carta.

Ang Chevrome at coupled entries High Voltage at Ma­ker’s Mark ang kukumpleto sa mga  magtatagisan at ang mananalo ay magbibitbit ng P1.2 milyong prem­­yo.

Show comments