17 players para sa Gilas training pool

MANILA, Philippines - Pinangalanan kahapon ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes ang bubuo ng kanyang training pool kung saan manggagaling ang huling 12 players na kakatawan sa bansa sa darating na FIBA-Asia Basketball Championships na gaganapin sa Agosto 1-11 sa Mall of Asia Arena sa Pasay.

Pinangunahan ng pitong players mula sa three-time PBA Philippine Cup champion Talk ‘N Text ang sumatutal na 17 players na nasa listahan ni Reyes na inaprubahan ng PBA Board sa kanilang special meeting kahapon.

Ang mga players na magsisimula nang mag-ensayo sa Lunes sa Philsports Arena para sa ambisyon ng bansa na magtapos sa Top 3 sa regional qualifier para sa FIBA World Cup  ay sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo,  Jimmy Alapag, Ryan Reyes, Kelly Williams, Jared Dillinger at Larry Fonacier ng Talk ‘N Text, LA Tenorio ng Barangay Ginebra, Marc Pingris ng San Mig Coffee, June Mar Fajardo ng Petron Blaze, Jeff Chan at Gabe Norwood ng Rain or Shine, Gary David at Japeth Aguilar ng Globalport, Sonny Thoss ng Alaska at sina Greg Slaughter ng NLEX kasama ang naturalized Filipino player na si Marcus Douthit.

Sina Douthit, Williams, Fonacier, Norwood, Chan, Dillinger, Tenorio, Thoss at De Ocampo – ay kabilang sa koponang nagkampeon sa Jones Cup sa Taiwan noong nakaraang taon.

Bagama’t ito na ang pinakamatangkad na National basketball pool sa buong kasaysayan ng bansa sa pagkakaroon nito ng pitong players na at least 6’5 ang height, at apat sa kanila ay at least 6’10, ayon kay Reyes hindi pa rin ito makakatapat sa average height ng ibang koponan lalo na sa mga taga-middle East Asia.

“I’m not worried about  height, ang importante we have to have a lot of wea-pons... basta makakalaban lang tayo sa rebounds... all of our wingmen are great rebounders... size wala eh, maski ano gawin natin we’re not gonna be bigger than the middle eastern teams,” pahayag ni Reyes sa media conference pagkatapos ng PBA Board meeting.

Ang magta-Top 3 sa darating na FIBA-Asia Championships ang kakatawan sa Asya sa FIBA World Cup championships sa susunod na taon sa Spain.

“The goal is to make the Top 3 but the dream is to win it all. That should be the only thought in our mind otherwise why are we going through all these,” dagdag ni Reyes tungkol sa kanilang pa-kay na huling nagawa ng bansa noong 1973 na siya ring huling beses na na-ging host ang Pilipinas ng nasabing torneo.

Ang koponan na da-dagdagan ng pito pang players mula sa cadet pool, ay mag-eensayo ng isang beses sa isang linggo simula sa Lunes habang naglalaro pa ang karamihan sa mga players sa PBA Commissioner’s Cup. Mapapadalas ang ensayo ng koponan habang patapos na o pagka tapos na ang second conference ng liga.

Magkakaroon din ng training camp ang Gilas Pilipinas sa Lithuania sa Hunyo bago sila tatahak patungong Taiwan para ipagtanggol ang korona sa Jones Cup.

May pinaplano ring pocket tournaments na gagawin ng PBA sa buwan ng Hulyo kung saan mag-iimbita ng ilang Asian teams para lumahok at may nakaplano ring pag-ikot sa bansa ng koponan para maglaro at mag-ensayo pa lalo.

 

Show comments