MANILA, Philippines - Bumawi ang Magical Halo sa kawalan ng kinang sa tatlong takbo sa buwan ng Enero nang manalo bilang dehado sa pagbubukas ng pista sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Esteban De Vera ang hineteng sakay ng Magical Halo na nalagay sa pang-anim, apat at limang puwesto sa tatlong takbo noong Enero ngunit sa pagkakataong ito ay kondisyon ang kabayo para manalo ng dalawang dipa sa Tucker’s Diamond ni jockey Miles Pilapil.
Naunang umalagwa ang Speed Maker na umagwat ng halos apat na dipa habang nasa pang-apat ang Magical Halo.
Napagod ang nangungunang kabayo habang magkasabay na rumeremate ang Tucker’s Diamond at Magical Halo na nasa balya.
Ang magandang puwesto ng Magical Halo ang nakatulong upang makuha ang liderato tungo sa panalo.
Isa pang nagpasiklab ay ang Saga na nagbunga ang pag-angat sa mas mataas na Class Division 1 race nang dominahin ang 1,100m unang karera sa bakuran ng Phi-lippine Racing Club Inc.
Si RR de Leon ang hinete uli ng kabayo na nanalo noong Enero 24 sa class division 1-A kaya’t uma-ngat ng grupo ang Saga.
Wala namang nabago sa takbo ng kabayo para daigin ang nakalabang Discovery Peak upang bigyan agad ng ganansya ang mga dehadista.
Ang di inaasahang panalo ay naghatid ng P126.50 sa win at nasa P593.00 ang 7-2 forecast.
Pinakaliyamadong kabayo na nanalo ay ang Crusader na dala ni apprentice rider LT Cuadra Jr.
Galing sa ikalimang puwestong pagtatapos sa PCSO Special Maiden Race noong Enero 26, tinalo ng Crusader ang Hayyahayyy. May P5.00 dibidendo ang win habang P160.50 ang ibinigay sa nadehadong 4-5 forecast.