Maraming sumayang karerista sa kuya Yani at Handsome Hunk

MANILA, Philippines - Dalawang dehadong kabayo ang nagpasaya sa karerista noong Sabado nang nagpasok ng magandang dibidendo na nangyari sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Ang baguhang hinete na si LT Cuadra Jr. ay patuloy na nagpapasikat sa industriya nang kuminang ang kabayong Kuya Yani habang nagpapogi naman ang Handsome Hunk nang maging pangalawang pinakadehadong kabayo na nanalo sa ikaanim na araw ng pista sa Manila Jockey Club Inc.

Ikalawang takbo ito ng Kuya Yani sa pagdadala ng apprentice jockey at hinigitan ng hinete ang pangatlong puwestong pagtatapos na ginawa ng tambalan noong Enero 15 sa nasabing karerahan.

Nakaalagwa ng tatlong dipa sa rekta ang Kuya Yani at nakatulong ito para maisantabi ang malakas na pagdating ng Gracious Host na sakay ni EL Blancaflor na kinapos ng kalahating kabayo. Ang naunang bumanderang A Toy For Us  ng apprentice rider ding si JB Guerra ang pumangatlo at kinapos din ng kalahating dipa.

Anak ng Account of Grace at Conceit, ang win ng Kuya Yani ay naghatid ng P121.50 at kumabig ng P615.50 ang mga tumama sa 8-7 forecast.

Isang karera matapos nito ay ang pagpapasikat ng Handsome Hunk na ginabayan ni NK Calinga-san sa 3YO Handicap Race (2). Humarurot lamang ang Handsome Hunk  sa huling 75  metro para iwanan ang Porcher at The Fountainhead na  pumangalawa at pumangatlo sa datingan.

Ang tatlong taong colt na may lahing Sir Cherokee at Splendor ay nagbigay ng P119.00 dibidendo sa win habang ang 2-3 forecast ay mayroong P364.50 na ipinamahagi.

Ang extra double sa pagitan ng Kuya Yani at Handsome Hunk na 8-2 ay naghatid ng mas ma-laking P4,236.00.

 

Show comments