Ang 3-0 bentahe ng TNT

MANILA, Philippines - Matapos talunin ang Rain or Shine 89-80 noong Linggo sa Game 3 ng kanilang best-of-7 championship series sa 2012-13 PBA Philippine Cup, isang panalo na lamang ang kailangan ng Talk ‘N Text para makopo ang kanilang pangatlong sunod na all-Filipino title.

Lamang ang Tropang Texters sa kanilang serye 3-0 na kanilang susubukang tapusin bukas sa Smart Araneta Coliseum.

Narito ang mga bagay-bagay ukol sa PBA finals.

*Noong nakaraang season, lumamang din ang TNT 3-0 sa best-of-7 finals nito laban sa Po-werade pero sa Game 5 pa nito tinapos ang serye.

*Susubukan ng Talk ‘N Text na maging unang koponang makawalis ng finals sa loob ng nakaraang tatlong taon, o mula nang nagawa ito ng Purefoods kontra sa Alaska noong 2009-10 Philippine Cup.

*Sa buong kasaysayan ng PBA, limang koponan lamang ang nakakapagtala ng 4-0 sweep sa isang best-of-7 na serye, tatlo sa finals at dalawa sa semis.

*Sa PBA o maging sa NBA history ay wala pang koponang nakabalik mula sa isang 0-3 na pagkabaon para manalo sa isang best-of-7 series.

*Pang-13 ang Talk ‘N Text sa buong kasaysayan ng PBA na nagkaroon ng 3-0 bentahe sa best-of-7, pang-11 sa finals.

*Sa nakaraang 12 koponan, lima ang naka-sweep, anim ang tinapos ang serye sa Game 5 at isa lamang ang napaabot sa Game 6. Ni paabutin sa Game 7 ay wala ang nakakagawa matapos mabaon sa 0-3 na hukay.

*Bukod sa Purefoods, ang apat na iba pang nagwagi sa PBA sa pamamagitan ng isang 4-0 sweep ay Alaska noong 2009-10 Philippine Cup semis laban sa Barangay Ginebra; Barangay Ginebra noong 2008 Fiesta Conference semis laban sa Red Bull; Swift noong 1992 Third Conference finals laban sa Seven-Up; at, Northern Consolidate Corporation noong 1985 Reinforced Conference finals laban sa Manila Beer.

*Ang Alaska naman ang kaisa-isang koponang napaabot pa sa Game 6 ang isang best-of-7 pagkatapos nalamangan ng 0-3 at ito’y nangyari noong 1997 Commissioner’s Cup finals laban sa nagkampeon ding Gordon’s Gin.

Show comments