MANILA, Philippines - Hindi napigil ang malakas na pagdating ng Miss Delicious para makapaghatid ng saya sa mga dehadista noong Biyernes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Labas ang Armoury na sakay ni jockey JA Guce dahil ang kabayo ang siyang nagdala ng liderato mula simula hanggang sa huling 25 metro sa 1,400m, class division 1 race.
Nag-init ang kabayong sakay ni apprentice rider LT Cuadra Jr. at mula sa ikaanim na puwesto papasok sa rekta ay nanalo pa ng isang dipa sa meta.
Di napaboran ang nanalong kabayo na may lahing West Bound at Mardi Grass dahil pumangatlo at pang-anim ito noong Disyembre 2 at 11 habang di rin napansin ang Armoury matapos ang mas masamang pang-siyam na puwestong pagtatapos noong Disyembre 10.
Dahil dito ay tiba-tiba ang mga nanalig sa husay ng dalawang kabayo at ang win ay naghatid ng P54.00 dibidendo habang ang 5-3 forecast ay nagpamahagi ng P1,122.50 dibidendo na siyang pinakamalaki sa gabing ito.
Si Cuadra ay nagkaroon ng dalawang panalo matapos maihatid din ang third choice na Yes Mayor sa isang 2YO Handicap (01) race.
Ang pinakamahusay na hinete sa gabing ito ay si Mark Alvarez na nanalo ng apat na sakay sa siyam na karerang pinaglabanan.
Unang panalo ni Alvarez ay kinuha sa kabayong Pasaporte at masasabing sinukatan lamang ng hinete ang husay ng nauunang Noble Prince bago nilampa-san sa huling 25 metro ng karera.
Ikalawang takbo ito ng Pasaporte sa buwan ng Dis-yembre pero unang panalo para makapaghatid pa ng P17.50 sa win habang P64.00 sa 4-3 forecast.
Ang iba pang kabayo na kuminang sa pagdadala ni Alvarez ay ang Siamo Famiglia, Pencil Away, at Whistler na nangyari mula races four hanggang six.