MANILA, Philippines - Sa pagpapakawala kay Serbian mentor Rajko Toroman bilang head coach, inangkin ng Smart Gilas Pilipinas 2.0 ang 34th William Jones Cup sa Chinese-Taipei noong Setyembre.
Sa pagsibak kay Toroman, iginiya ni Chot Reyes, binitawan ang Talk ‘N Text sa Philippine Basketball Association, ang Smart Gilas 2.0 sa titulo ng naturang kampeonato.
Sa likod ni pointguard LA Tenorio, tinakasan ng Smart Gilas 2.0 ang United States, 76-75, sa gold medal round ng Jones Cup.
Huling naghari ang mga Pinoy sa nasabing torneo noong 1998 mula sa Centennial Team ni coach Tim Cone at pang-apat sa kabuuan.
Isinalpak ni Tenorio ang isang go-ahead basket sa natitirang 17 segundo para ihatid ang Nationals sa korona.
Tumapos si Tenorio, dinala ng Alaska sa Barangay Ginebra bago magsimula ang 38th season ng PBA, na may 20 points at hinirang na Most Valuable Player ng torneo.
“That’s the most memorable game of my career,” sabi ni Tenorio. “Hindi na Alaska dala-dala ko rito, hindi rin pangalan ko. Pilipinas dala-dala ko rito.”
Bukod kay Tenorio, ang iba pang miyembro ng Smart Gilas 2.0 ay sina Ranidel de Ocampo, Larry Fonacier, Sonny Thoss, Mac Baracael, Jeff Chan, Gabe Norwood, Enrico Villanueva, Gary David, Sol Mercado, San Beda sharpshooter Garvo Lanete at naturalized import Marcus Douthit.
Pinuri rin ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan ang Smart Gilas 2.0.
“The team deserves all the credit at nagdulot sila ng kasiyahan sa buong bansa,” ani Pangilinan. “Hopefully this is the beginning. Ang susunod na tournament ay sa Tokyo in September, we only have two weeks to prepare.”
Sa pagsabak naman ng Nationals sa FIBA-Asia Cup sa Tokyo, Japan, tumapos sila bilang pang apat.
Ito ay matapos mabigo ang Smart Gilas 2.0 sa Qatar, 63-76, sa labanan para sa pangatlong silya.
Idinagdag ni Reyes sa koponan si Jared Dillinger ng Talk ‘N Text.
Bago ang mga ito, inilakad ng SBP at ni Antipolo City Rep. Robbie Puno noong buwan ng Mayo ang pagkilala kay NBA center JaValle McGee bilang naturalized player.
Ngunit wala nang balak si Pangilinan na kunin si McGee.