Isa pang world title hatid ni Tunacao Matapos patulugin si Esquivel

MANILA, Philippines -  Pinatulog ni Malcolm Tunacao si Mexican Christian Esquivel upang mapagtibay ang paghahabol sa ikalawang world title  na nangyari noong Sabado ng gabi sa Central Gym sa Kobe, Japan.

Matinding kanang hook ang pinakawalan ng 35-anyos na si Tunacao upang bumuwal ang 26-anyos na si Esquivel at matapos ang laban, may 2:10 sa ikapitong round.

Naunang nagmalaki si Esquivel na hihiyain si Tunacao ngunit pawang salita lamang ang kanyang ginawa dahil mula sa simula ng laban ay ang tubong Mandaue City, Cebu na nakabase na sa Kobe, Japan ang nagdomina sa tagisan.

Ito ang ika-11 sunod na panalo ni Tunacao para iangat ang ring record sa  32 panalo sa 34 laban at may 20 KOs.

Ang labang ito ay isang WBC bantamweight title eliminator at ang panalo ni Tunacao ang magtutulak sa kanya para maging mandatory challenger ng walang talong kampeon ng Japan na si Shinsuke Yamanaka sa 2013.

Ikaapat na pagkatalo sa 29 laban ang nalasap ni Esquivel pero ikalawa niya sa huling tatlong laban.

Naunang nakipagtuos si Esquivel kay Yamanaka  noong Nobyembre 6, 2011 para sa bakanteng WBC title at natalo siya sa pamamagitan ng 11th round TKO.

Si Tunacao ay unang nakahawak ng world title noong Mayo 19, 2000 nang pabagsakin sa ikapitong round ang dating kampeon na si Medgeon Singsurat ng Thailand.

Dalawang pagdepensa  ang ginawa niya  at naisuko ang kampeonato kay Pongsaklek Wonjongkam ng Thailand noong Marso 2, 2001 sa masamang 1st round knockout na pagkatalo.

Ang malawak na karanasan sa ring ang siyang gagamitin ni Tunacao sa pagharap kay Yamanaka na tinalo sina Vic Darchinyan at Tomas Rojas sa dalawang title defense na nangyari noong Abril at Nobyembre.

 

Show comments