MANILA, Philippines - Para sa 34-anyos na si Eduardo ‘Vertek’ Buenavista, ang hinahabol niya sa bawat paglahok sa mga karera ay ang pagbibigay ng inspirasyon sa kanyang anak.
“Talagang kahit tumatanda na ako, patuloy pa rin ako sa pagsali sa mga marathon kasi ako ang ginagawang inspirasyon ng anak ko eh,” sabi ni Buenavista sa kanyang 11-anyos na anak na si Edward Josh.
“Siya po talaga ang idol ko,” sambit ng maputi at mahaba ang mga biyas na elementary student.
Nasa isip ang pagbubunyi ng kanyang anak, pinagharian ni Buenavista ang local 42-kilometer run ng 36th Milo Marathon National Finals kahapon sa SM MOA Grounds sa Pasay City.
Naglista ang Olympian ng oras na 2:29.45 para iwanan sina Eric Panique (2:32.45) at Jesson Agravante (2:34.58).
Ang pag-aaral naman ng kanyang tatlong mga nakababatang kapatid ang naging ‘motivation’ ni Mary Grace Delos Santos para maidepensa ang kanyang titulo sa women’s Open division.
Nagtala ang 25-anyos na si Delos Santos ng oras na 2:49.29 para talunin si Jho-Ann Banayag (2:55.56) at Everline Atancha (3:03.39) ng Kenya at sikwatin ang premyong P300,000.
“Siguro hanggang kaya ko pang tumakbo, tatakbo pa rin ako para maipagpatuloy ‘yung pag-aaral ng tatlo ko pang mga kapatid,” ani Delos Santos sa kanyang mga kapatid na sina Majean, Myla Angel at Marla Jane, mga high school students sa Zamboanga City.
Ayon kay Delos Santos, isang commerce graduate ng Universidad de Zamboanga, itatabi muna niya sa bangko ang kanyang premyo para lumago.
“Ise-save ko muna sa bangko para lumaki ang tubo,” sabi ni Delos Santos.
Si Mary Joy Tabal (3:05.12) ang nagwagi sa women’s local event kasunod sina Christabel Martes (3:10.46) at Jennilyn Nobleza (3:22.03).
Naidepensa naman ni James Tallam ng Kenya ang kanyang titulo sa Open class nang magposte ng tiyempong 2:26.34 kasunod ang mga kababayang sina Josphat Too (2:28.52) at Alex Melly (2:29.06).
Nagwagi naman sa 21K local sina Immuel Camino (1:15.25) at Elijeran Jocelyn (1:43.03), habang nanguna sa 21K open sina Kenyans David Kipsang (1:12.23) at Jackline Nzivo (1:26.48).