MANILA, Philippines - Inamin ni German coach Michael Weiss na mahina ang kanilang midfield na naging ebidensya sa scoreless draw ng Philippine Azkals at Singapore Lions sa first leg ng kanilang semifinal tie para sa 2012 AFF Suzuki Cup noong Sabado ng gabi sa Rizal Memorial Football Field.
“Our midfield in the first half was weak, to be honest,” ani Weiss, ipinalit si Marwin Angeles para kay Jason de Jong sa layuning baguhin ang takbo ng laro ng Azkals.
Subalit hindi rin ito nangyari.
“If the midfield doesn’t show up and distribute balls very well, you end up with loose balls and you end up playing defensively with no time to create chances,” dagdag pa nito.
Samantala, muli namang makakasama sa Azkals si Fil-Danish Jerry Lucena.
Hindi nakalaro si Lucena sa first leg ng naturang semis tie dahil sa pagkampanya niya sa kanyang football club.
Makakasama si Lucena sa Azkals sa Singapore para sa second leg sa Miyerkules sa Jalan Besar Stadium.
“Having Jerry Lucena in the second leg will definitely give us more proposition in midfield and build ‘kalma’ (calm) in buildup time,” wika ni Weiss.
Nagpilit ang Azkals na makaiskor sa second half subalit nabigo sa kanilang mga pagtatangka.