Bryant, Howard bigo kina Durant, Westbrook
OKLAHOMA CITY -- Naglista si Kevin Durant ng 36 points, habang humugot si Russell Westbrook ng 27 sa kanyang 33 markers sa first half para ihatid ang Oklahoma City Thunder sa 114-108 panalo kontra sa Los Angeles Lakers.
Umiskor ang NBA scoring leader na si Kobe Bryant ng 35 points para sa Los Angeles, iniwanan ng 19 puntos bago ito nakalapit sa apat sa huling minuto ng laro.
Nagdagdag naman si Dwight Howard ng 23 points at 18 rebounds para sa Lakers.
Si Westbrook ang nagbigay ng bentahe sa Thunder sa first half bago nakabawi ang L.A. sa pamamagitan ng isang 27-12 atake sa fourth quarter.
Nagkagirian naman sina Metta World Peace - naging isang public enemy sa Oklahoma City nang tirahin si James Harden sa nakaraang season - at Serge Ibaka at napatawan ng technical fouls dahil sa kanilang komprontasyon.
Matapos maiwanan ang Lakers ng 12 puntos sa huling 1:32, tumipa si Jodie Meeks ng dalawang lay-ups at nagsalpak si Chris Duhon ng isang 3-pointer para idikit ang laro sa 105-110.
Isang tres ni Bryant matapos ang freethrows ni Durant ang naglapit sa Lakers sa 108-112 sa natitirang 15 segundo.
Tumirada si Durant ng dalawang foul shots at naimintis ni Meeks ang kanyang 3-pointer na nagselyo sa panalo ng Thunder.
- Latest