MANILA, Philippines - Sigurado na ang mga lugar sa quarterfinals ng 2012-13 PBA Philippine Cup, ang magtapos sa Top 2 makaraan ang eliminations na may kalakip na ‘twice-to-beat’ advantage ang pakay naman ng Barangay Ginebra, Rain or Shine at San Mig Coffee sa kanilang pagbabalik sa aksyon ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Makakaharap ng Kings sa alas-4:15 ng hapon ang Barako Bull na isa sa tatlong koponang naghahabol sa pang-walo at huling quarterfinals berth, habang sa alas-6:30 ng gabi naman ang sagupaan ng Elasto Painters at Mixers.
May pag-asa pa para sa pangalawa at huling ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals ang mga panalo-talo sa kartang 8-3 ng San Mig Coffee, 8-4 ng Rain or Shine at 7-5 ng Barangay Ginebra.
Kalaban naman ng Energy Cola na may 3-9 record ang 4-9 ng Air21 at 1-10 ng Globalport para sa huling lugar sa quarterfinals na magsisimula sa Dec. 12.
Ang Barangay Ginebra ang pinakamainit na koponan sa conference sa kasalukuyan sa 5-game winning streak nito, ang pinakamahaba ng Kings sa loob ng nakaraang taon.
Nagsimula ang winning streak ng Barangay Ginebra matapos ang Mike Cortez-Yousef Taha trade noong nakaraang Nov. 7.
Pero natalo ang Kings sa Energy Cola, 82-92, sa kanilang unang paghaharap sa eliminations noong Oct. 19.
Nagwagi din ang Rain or Shine sa San Mig Coffee, 80-79, sa kanilang unang laban noong Oct. 24 bagama’t nilamangan ng umabot sa 18 puntos sa third quarter at 16 sa pagpasok ng huling yugto.
Sariwa pa sa isip ni San Mig Coffee head coach Tim Cone ang laban na iyon. Pero umaasa ito na dahil mas kumpleto ang Mixers ngayon ay makakabawi din sila sa Elasto Painters lalo pa at krusyal na laban ito para sa pagtatapos ng No. 2 sa elims.
“On many different levels, Rain or Shine is always a challenge to play against. We’ve played a number of significant games against them lately and this is another one since the winner will have the inside track on the No. 2 seed,” pahayag ni Cone kahapon.
“We’ve got a healthy lineup for the first time in a long time against them so we’ll see if that can give us an edge this time,” dagdag pa ni Cone na malamang ay tinutukoy ang mga pagkawala nina Marc Pingris, Joe Devance at JC Intal dahil sa injuries sa una nilang paghaharap sa conference.
Ang dalawang koponang nasa ilalim ng team standings ay masisibak.
Ang Top 2 teams naman ay magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals laban sa mga koponang nasa Nos. 7 at 8, habang maglalaban naman sa isang best-of-3 quarterfinal ang No. 3 kontra No. 6 na koponan at No. 4 laban sa No. 5.