Pinayukod ang Myanmar White Angels, 2-0: Azkals pasok sa semis

BANGKOK - Sa bisa ng kanilang 2-0 panalo laban sa Myanmar White Angels noong Biyernes ng gabi, pormal nang umabante ang Philippine Azkals sa semifinal round ng 2012 AFF Suzuki Cup.

Nagtala ang Azkals ng six points (2-0-1) para pumangalawa sa Thailand (nine points) sa Group A.

Pinayukod ng Thailand ang Vietnam, 3-1, sa isa pang laro sa Rajamangala Stadium.

Makakaharap ng Azkals ang topnotcher sa Group B sa susunod na Sabado sa first leg ng isang two-leg se­mis series na gagawin sa Rizal Memorial.

Matapos ang 1-2 pagyukod sa Thailand, buma­ngon ang Azkals para talunin ang Vietnam, 1-0.

Ang pananaig naman ng Azkals sa Myanmar ang ka­nilang kauna-unahan matapos ang anim na pagkatalo at tatlong pagtatabla sapul noong 1985.

Sinabi ni Philippine Football Federation president No­nong Araneta na ang pagpasok ng Azkals sa Final Four ng 2012 AFF Suzuki Cup ay resulta ng kanilang pagtitiyaga.

“Everyone really wanted to win, up to the last minute. They didn’t slow down; even if they seemed tired, the desire to win fueled them on,” sabi ni Araneta.

Sa panalo kontra sa White Angels, umasa ang Azkals kina Dennis Cagara, Juani Guirado, Jason de Jong, Phil Younghusband at Angel Guirado.

Dalawang minuto matapos ang halftime break, ipinasok ni Younghusband ang isang goal na nakalusot kay Myanmar goalkeeper Thia Si Thu.

Ang ikalawang goal ng Azkals ay nagmula kay Gui­rado, ang pamalit kay Denis Wolf, mula sa pasa ni Carli Murga.

Kinuha ni team captain Chieffy Caligdong ang isang malaking Phl flag at iwinagayway ito sa harap ng nagdiriwang ng halos 1,000 Filipino fans sa Supacha­lasai Stadium.

“Everybody was emotional because the first game was quite a downer losing to Thailand. But we reco­vered in the next two games, we got the six points and we’re through and look forward to whomever it is we’re meeting in the semis,” sabi ni Azkals manager Dan Palami.

 

Show comments