MANILA, Philippines - Pinatumba ng San Mig Coffee ang Barangay Ginebra San Miguel, 78-68 noong Linggo sa kalagitnaan ng elimination round ng 2012-13 PBA Philippine Cup.
*Pangatlong sunod na panalo ito ng Mixers – ang kanilang pinakamahaba na sa conference – at pampitong sunod na panalo sa buwan ng Nobyembre, isang streak na nagsimula noong nakaraang taon.
*Pang-limang sunod naman na talo ito ng Kings, ang kanilang pinakamahabang losing streak hindi lamang sa conference kundi sa halos huling tatlong taon.
*Huling nasa isang five-losing streak ang Barangay Ginebra noong 2009 Fiesta Conference na na-ging dahilan ng isang 1-5 na simula sa conference na iyon ng Kings.
*Bagama’t masama ang simula ng Kings sa conference na iyon kung saan si Rod Nealy ang kanilang import na pinalitan ni David Noel pagkatapos ng pitong laro, sa maniwala kayo o hindi, naka-No. 2 pa ang Barangay Ginebra pagkatapos ng elims at nakarating pa nga sa finals bago natalo sa San Miguel Beer.
*Tila may pesteng injury bug sa kampo ng Kings. May hamstring injury na si Jayjay Helterbrand at ankle sprain si Allein Maliksi, trinangkaso pa si Kerby Raymundo. Hindi nakapaglaro ang tatlo sa labang iyon kontra sa San Mig Coffee.
*Lalo pang lumala ang sitwasyon para sa Barangay Ginebra nang nagka-ACL injury si Dylan Ababou sa larong iyon laban sa Mixers at inaasahang mawawala mula anim hanggang walong buwan.
*Umuwi tuloy na luhaan ang karamihan sa 19.718 fans sa Big Dome noong Linggo, ang pinakamalaking crowd ngayong season na sinasabing isang all-time PBA record para sa isang playdate sa elimination round.