Zombie Family (367)
KAHIT nandidiri, gusto ngang subuan ng military employee si Leilani. Pero nang makitang sa malapitan ang mga uod, nandiri na ito.
Napasuka.
Nabitiwan ang kutsara at platong may pagkain.
Nanginig ito. “Diyos ko … pasensya na. Talagang hindi ko pala makaya. Kanina naman kasi, hindi masyadong kita ang mga uod …”
Nagalit ang zombie. “Ang mga tao talaga pare-pareho. Hindi kayo marunong maawa!”
“H-Hayaan mo, mamaya susubukan ko uli … baka kaya ko na!”
“Huwag na! Hindi na! Kapag nagkaroon ako ng chance, kakainin na lang kita! Pati mga uod sa aking katawan, kakainin ka rin nila!”
Lalong nasuka ang military employee.
Lumayo na agad ito.
“O, hindi mo nakaya? Ako, hindi ko rin kaya iyan. Hindi naman iyan magugutom. Kasi may IV siya. Iyon ang pagkain niya, liquid nga lang. Kaya huwag ka nang maawa, okay?”
“Mahirap pigilin ang awa. Pero mahirap ding pigilin ang pandidiri. Mas nanaig ang pandidiri ko.”
“Kasi nga … huwag kang magpapadala sa puso. Walang personalan ito. Trabaho lang. Saka sino ba ‘yan? Ano ba ‘yan? Eh, kampon ng demonyo ‘yan, ‘di ba? Ang dami nang napatay at nakain!”
“Oo, alam ko naman. Sige, sa computer na lang ako titingin para bantayan siya. Para hindi personal ang dating. Mas kaya kong pigilin ang awa pag siya’y natitingnan ko lang sa computer.”
“Okay. O, diyan ka muna. Off ko na. After two hours balik ako. Para ikaw naman ang mag-off.”
“Okay.”
Pag-alis ng kasama, ibinalik ng bantay ang mga mata sa computer.
At nabigla siya.
Shocked na shocked.
Ang nakita niya sa monitor ay hindi isang zombie na nabubulok at inuuod. Kundi isang napakagandang babaing kanilang high-tech na iginagapos.
“Diyos ko! Ano’ng nangyari? Sino ‘yan?”
Kinusot niya ang mga mata, namamalikmata lang ba siya? Sira na ang kanyang mga mata, kung ano-ano na lang ang nakikita? ITUTULOY
- Latest