Bugbog sarado ang isang lalaki sa 82-year-old na lola na si Willie Murphy nang mangahas ito umanong pumasok sa tinitirahan ng matanda.
Alas-onse na noon ng gabi nang marinig ni Murphy na may nagbubukas ng kanyang pinto. Nakita niya ang isang lalaking nagpupumilit pumasok, inutusan siya nito at tumawag ng ambulansya dahil may sakit daw ito.
Hindi niya ito sinunod kaya naman nagalit ang lalaki at tuluyan nang binasag ang front door.
Lingid sa kaalaman ng lalaki, isang award-winning bodybuilder si Murphy at araw-araw itong nagwo-workout sa kabila ng edad nito. Kaya nitong bumuhat ng hanggang 225 pounds o 102kg.
“He picked the wrong house to break into,” komento ni Murphy.
Nagtago muna siya bago makapasok ang lalaki at saka dinampot ang pinakamalapit na bagay na mahahawakan niya – ang mesa.
Inihampas niya ito sa mukha ng lalaki at nang matumba ay tinalunan niya raw ito. Binuhusan pa niya ito ng shampoo sa mukha para siguradong hindi na makabangon.
“I picked up the table, and I went to work on him. The table broke. And when he’s down, I’m jumping on him,” kuwento ni Murphy.
Nadakip na ang suspek at idiniretso sa ospital.
Samantala, marami naman ang humanga sa ginawa ni Murphy at ang kanyang mga kapitbahay ay gusto pang makipag-selfie sa kanya.