Ang Disgusting Food Museum ay hindi para sa mga taong mahihina at sensitibo ang panlasa at tiyan, para lamang ito sa mga taong curious at malalakas ang loob.
Kasalukuyang matatagpuan sa Malmo, Sweden at Los Angeles, makikita sa exhibit ang halos 80 na pagkain na mula sa iba’t ibang parte ng mundo. Ganunpaman, hindi ito yung tipo ng mga pagkaing katakam-takam at nakakabusog.
Ang Peruvian frog smoothie, binurong karne ng Icelandic shark, Swedish putrid sea herring, at Mouse wine mula China kung saan ang mga bubwit ay nakababad at niluto sa rice wine ay ilan lamang sa mga putaheng makikita rito.
Samantala, ang pinakasikat dito diumano ay ang Su Callu Sardu na mula sa isla ng Sardinia kung saan ang keso ay kinuha sa tiyan ng batang kambing na punum-puno ng gatas ng kanyang ina. Dalawang araw ang itinatagal ng aftertaste nito bago mawala, at depende pa sa rami ng iyong kinain.
Ang concept na ito ay binuo ni Dr. Samuel West, isang psychologist na kilala rin sa tawag na Dr. Failure. Ganunpaman, hindi ang Disgusting Food Museum ang kanyang unang unique idea, dahil meron din siyang itinayong Museum of Failure at kasing-successful din nito ang naunang museum.
Ayon sa kanya, ang buong konseptong ito ay may mahalagang leksyon: “we should stop being so judgmental with the world around us, because everything is personal and debatable. What may seem disgusting to some, is delicious for others, which is why you may find American root beer right next to the frog smoothie.”