MASAYA si Alona sa narinig. “Aba, welcome na welcome ka namin dito, Ariel. Masaya dahil magkakasama-sama tayo sa bundok ng kabanalan. Kasama rin natin siyempre itong bago nating kaibigan. Si Pio. At ... alam kong malapit nang bubukas ang banal na kulungan nang kusa. At magiging malaya na si Yawan. Ibig sabihin noon, hindi lang siya basta gumanda uli kundi ... tulad na rin natin siyang mabait, may magandang puso.”
“Salamat po. Hayaan n’yo ho, kapag nagsasawa na kayo sa akin ay babalik din naman ako sa atin. Kasi kailangan din ako ni Father.”
“Nami-miss ko na rin ang maging nasa simbahan. Kasama ka, kasama si Father, naglilinis, nagpapaganda ng altar, namamasyal tayo sa plaza kapag gabi ... para hindi masyadong halata na anino lang ako.”
“Pero marami na ring nakakaalam doon na anino ka, Angela. At tanggap nila ‘yon.”
“Tanggap pa rin kaya ako pagkatapos ng mga masasamang inakusa ko kay Father? At sinira ko ang altar?”
“Huwag mo nang isipin ‘yon, Angela. Hindi mo alam kung ano ang ginawa mo noon.”
“Pagbalik ko roon, sana may lugar pa ako sa simbahan.”
“Oo naman. May lugar ka nga rito na mas banal ito kaysa simbahan, e. Ito talaga ang bundok ng Diyos. At dito, tingnan mo, hiyang ka. Masaya ka.”
Masaya ring yumakap si Angela kay Ariel.
Napangiti na lang sina Alona, Yawanaya at Pio.
NANG biglang nagliwanag nang husto ang kulungang banal.
Liwanag na hindi gawa sa lupa. Liwanag na masarap na masarap sa mga mata at pakiramdam.
At nakita nila si Yawan na nakatayong may maluwalhating ngiti. Lalo pang gumaganda. Nasa harapan ito ng pinto ng kulungang banal.
Kitang-kita nilang bumukas nang kusa ang pinto ng kulungang banal. At dahan-dahang humakbang si Yawan.
Lumalabas na sa kulungan.
Lumakas ang awitan ng mga ibon. Nagsimula sa malayo. Hanggang sa palapit nang palapit ang awit sa kanila.
Maya-maya ay halos mapuno na ng iba-ibang klaseng ibon ang paligid nila. Iba-iba ang kulay, iba-iba ang mga magagandang itsura.
“Kailangang magsaya tayo dahil ... nakatawid na si Yawan sa kabutihan! Isa itong dakilang araw!” Iyak nang iyak si Alona.
- ITUTULOY