Salted egg shrimp
Usung-uso ngayon ang mga putaheng may itlog na maalat. Kabilang na diyan ang salted egg potato chips na nauna nang sumikat sa Singapore. Katunayan, isa ito sa mga paboritong ipangpasalubong ng mga nagbabakasyon doon.
Maalat ito at kakaiba ang texture na siyang binabalik-balikan ng mga may paborito dito.
Pero alam niyo ba na ang itlog na maalat ay pwedeng-pwede rin sa hipon?
Aminado ang misis ng musikerong si Chito Miranda na si Neri Naig na paborito maging ng kanyang mister ang kanyang buttered shrimp recipe dahil mayroon nga itong salted egg.
Ang mga ingredients dito ay kalahating kilong hipon (hindi pa nakabalat), bawang, itlog na maalat, butter, mantika, isang tasang evaporated milk.
Unang igisa sa mantika ang maraming bawang at sunod na maglagay ng butter. Pagkatapos ay ilagay na ang evaporated milk (huwag hahayaang kumulo para hindi mamuo). Pagkatapos ay idagdag na ang salted egg.
Kapag kumapal na ang sauce ay maaari nang ilagay ang hipon. Kapag nag-iba ang kulay ay pwede na itong patayin at ihain kapartner ang mainit na kanin.
Kung mahilig sa maanghang ay pwede ring dagdagan ang recipe ng sili. Maaari ring gawin ang recipe na ito sa alimango.
- Latest