Pangalawang Anino (422)
CHARMING si Lucifereo at talagang guwapo.
Ginawa niyang katatawanan ang nakalagay sa desk ng mga receptionist.
“Maling English, kahit saang anggulo ko babasahin talaga ingles ng kalabaw. Sino ba nag-order na ganyan ang ilalagay ninyo sa desk.”
“Three stars lang ito kaya hands- on ang may-ari. Siya ang nagpalagay. Alam naman naming mali, e. Kaya lang wala kaming magawa. Receptionists lang kami rito.”
“Kawawa naman kayo...” Naiiling ang prinsepe ng kadiliman.
Palihim siyang kumumpas.
“O, tingnan ninyo. Naayos ko na.”
Nanlaki ang mga mata ng mga dalaga.
“Ang galing ninyo. Tiyak kayo ang nag-ayos. Pero paano ninyo ginawa?”
Kinindatan sila ni “Daniel”. “Secret muna.”
Tratong prinsepe ang ginawa ng mga dalaga kay Daniel sa 3-stars hotel.
Alam iyon ni Nanette.
Alam niya na bilang binata, normal lang na matuwa si Daniel sa mga ganitong klaseng pagtrato.
Celfone buddies na sila ni Daniel. Para bang normal na lang na tawagan na nila ang isa’t isa.
“So where are you now, Daniel?”
“Maganda rito sa three stars hotel. Mag-impake ka na, punta ka na rito.” Hinikayat pa ni Daniel si Nanette.
Natawa lang si Nanette. “Hinding-hindi ko ‘yan gagawin. Tama na ‘tong alam ko kung saan ka muna tumuloy sa Maynila dahil sabi mo, umalis pala ang tita mo na tutuluyan mo riyan.”
“Hindi ka pupunta ng Maynila? Dalawa naman silid dito sa room na kinuha ko so, puwede.”
“Dalawa ang magagalit sa akin, Daniel. Ang tunay kong Papa at ang Diyos na nagtalaga sa akin bilang babaing banal.”
Palihim na gigil si “Daniel”. “Kaya ka napag-iinitan nina ama, sobra kayong nagpapakabanal.”
“Sige, Daniel. Marami pa akong gagawin.
“Tatawag-tawag ako sa iyo, ha? O maaring dadalawin din kita.”
Pero pagkatapos ng pakikipagkuwentuhan kay Nanette, pinatay ni Daniel ang isang tauhan ng hotel. Wala lang, kursunada lang gawin. Itutuloy
- Latest