Pangalawang Anino (41)
NATIGILAN si Nanette sa narinig sa inang si Sheila. “Si Nanay Mariang Banal? Makakatulong kaya talaga siya sa akin, Inay? Narinig ko na siya pero bihirang makita. Kasi lagi lamang siya sa loob ng kanyang bahay.”
“Lumalabas lamang siya, anak ... kapag nagsisimba. Kapag nasa loob siya ng kanyang bahay, nagdadasal pa rin siya. Dahil sa kanyang kabanalan, kalinisan at hindi makamundo, may kakayahan na siyang manghula nang tama. At sinasabing kapag daw ang isang tao ay pinasok ng isang masamang ispiritu, ito ay mapapalayas niya. Mapapagaling niya ang taong iyon kahit sa dantay lamang ng kanyang mga kamay at pagsambit ng pangalan ng Panginoon.”
Nagkapag-asa si Nanette. “Kung ganoon ay hindi pa ako hopeless, Inay?”
“Hindi pa, anak. Laging may pag-asa basta manalig tayo sa Diyos. Bumili tayo, mamalengke tayo nang konti para kung nakamasid man sa atin ang masamang anino, hindi niya mahalatang minanmanan ko lamang siya. Pagkatapos nating mamili, uuwi tayo, magluto ka, nandoon naman ang mga kapatid mo at ang mga kaanak natin na mga kapitbahay din natin. Palagay ko, walang balak ang masamang anino na saktan ka. Gusto ka lang niya talagang baliwin. At malalaman natin ang lahat kapag kinonsulta ko na si Nanay Mariang Banal.”
Lumaki ang pag-asa ni Nanette. “Sige po, Inay. Payag po ako sa lahat na gusto ninyong mangyari. At basta ho nasa tabi ko kayo, lalaban po ako.”
“Basta kapit-bisig tayo, anak ... para malakas tayo sa paglaban ng masamang aninong ‘yan.”
Hawak-kamay nang pumasok sa palengke ang mag-ina at nag-pretend si Nanette na takot pero pinapakalma ng ina.
Ang pangalawang anino ni Yawan ay nagbalik na sa dalaga. May ibinulong ito kay Yawan.
“Nagmukha na namang nababaliw si Nanette kanina nang nagpakita ako. Kasama niya ang kanyang ina, mamamalengke sana sila. Walang nagawa ang gagang ina sa pagsisigaw ni Nanette.” Humagikhik si Yawan. Tuwang-tuwa.
“Ang galing mo naman Yawanaya. Maaasahan talaga kita.”
“Pero mas gusto ko patayin na lang siya, e. Sakalin hanggang sa lumuwa ang mga mata at lumawit ang dila. Tulad ng mga taong pinagkatuwaan kong patayin dahil utos mo rin.”
“Huwag muna. Kapatid ko pa rin siya. Kung papatayin ko man siya, ‘yung kapag sagabal na talaga siya sa aking kasiyahan. Sa ngayon, hindi pa siya masyadong sagabal kaya baliwin na lang muna natin.”
Itutuloy
- Latest