Pangalawang Anino (19)
Nang makitang seryosong-seryoso ang mukha ni Tagapag-alaga, kinabahan ang mag-asawa.
“Sana hindi naman ‘yan masamang balita ...” Himutok ni Alona.
“Isa itong napakasayang balita para sa ating komunidad. Ito ang pinakahihintay naming lahat. At dapat kayong matuwa na ang inyong anak ang pinagkalooban ng espesyal na katangian.”
“A-anong katangian? Makakalipad ba siya na parang si Darna? Makakagawa ng tunay na ginto at mga brilyante? Yayaman kami dahil sa kanya?”
“Marami kayong makakamtan dahil sa kanyang katangian. Pero kailangang makita n’yo muna.”
“Paano?”
“Itaas ninyo si Yawan sa tapat ng araw at tingnan ang sahig na halos katapat niya.”
Ginawa nga ng mag-asawa. Si Roger ang nagtaas sa anak tapat ng araw. At sabay silang tumingin ni Alona sa ibaba, sa tapat ni Yawan.
Nanlaki ang mga mata nila. Nakakita sila ng dalawang anino ng bata.
Dahil magugulatin si Roger, ito ang unang napasigaw.
“AAAAHHHHHH!”
Kasunod na rin ang pagsigaw ni Alona.
“EEEEEHHHHH!”
Nagulat ang bata. Pero hindi ito umiyak. Sa halip ay humagikhik. Cute. Pero nakakakilabot din.
“Tumahimik kayo. Tanggapin ninyo ang biyayang ito. Kapag nakita naming hindi ninyo tanggap, gagawa kami ng paraan para maihiwalay sa inyo si Yawan. Magiging maayos lamang ang lahat kapag natanggap ninyo ang kanyang espesyal na katangian. Kapag masaya kayo dahil dito.”
Reklamo si Roger, medyo galit. “Wala namang ganyanan. Hindi kami papayag na mahihiwalay sa amin ang aming anak. Kapag hindi pala maganda ang mangyayari sa aming pamilya dito, aalis kaming tatlo!”
Ngumisi si Tagapag-alaga. “Sige nga, subukan ninyong lumakad.” At tiningnan ni Tagapag-alaga ang mga paa nina Alona at Roger.
Gustong humakbang ng dalawa pero para silang naging paralisado.
“Hoy! Ano ito? Bakit hindi kami makakilos? Ano’ng ginawa mo sa amin, Tagapag-alaga?”
“Wala kayong ideya kung ano pa ang mga kaya kong gawin.” Ngumisi si Tagapag-alaga.
- ITUTULOY
- Latest