NAGPAKUMBABA naman si Alona sa takot na mawala ang mga magagandang pribilihiyo nila sa Itom na kinagigiliwan na niya nang husto.
At kapag nawala ay talagang manghihinayang siya.
“Sige, Tagapag-alaga ... kayo na ang masusunod.”
Maningning na ngumiti si Tagapag-alaga. “Napakaganda ng nakatakdang pangalan. Ang tunog, ang mga letra. Ang ibig sabihin. Hindi n’yo na kailangang itanong ang ibig sabihin dahil ito ay mararamdaman ninyo. At sa panahong tama ay karapat-dapat ninyong sambahin ang kanyang pangalan.”
Curious na curious na si Roger. “Ano nga po ang kanyang magiging pangalan, Mahal na Tagapag-alaga?”
“Yawa ...n.”
“Yawa? Sa Bisaya ang ibig niyang sabihin ay satanas, demonyo ... pero may letrang N ba?” Tanong uli ni Roger.
Mahiwagang ngumiti si Tagapag-alaga. “Meron. Hindi ba, inihabol ko ang letrang n sa aking pagbigkas?”
“Ah, oo nga. Kaya nakahinga ako nang maluwag. Akala ko talaga walang letrang N, e. Kasi klarung-klaro ‘yon na demonyo ang ibig sabihin ng kanyang pangalan.
Sabay-sabay na naghagikhikan ang mga taga-Itom.
“Hihihi.”
“Harharhar.”
“Hekhekhek!”
Napikon tuloy si Roger. “Huwag nga kayong ganyan! Bakit ninyo ako pinagtatawanan? Tama naman ako, a. Muntik nang maging Yawa ang pangalan ng aming anak.”
“Huwag ka nang magalit, Roger. Naaaliw lang naman sila sa inyong anak. Napakaimportante sa kanila si Yawan. At may isang aspeto sa pagkatao ni Yawan na labis na ipagmamalaki ng mga Taga-Itom.”
PINAG-UUSAPAN ng mag-asawa ang kanilang anak.
“Napakaganda nga ni Yawan. Pero ano’ng katangian ang dadating sa kanya, Roger?”
“Aywan ko ba. Mahirap hulaan. Basta sigurado ako na may kinalaman ang mga itim na kulay. Kasi tingnan mo, kailangang itim ang kanyang mga kasuotan hanggang anim na buwan.
ITUTULOY