Pangalawang Anino (14)
DINALA na nga si Roger sa kinaroroonan ni Alona.
“Alona! Kumusta na ang mga sugat mo?” Nakadamit na ng malinis si Alona kaya hindi nakikita ni Roger ang tiyan nito.
“Tingnan mo ...” Inililis ni Alona ang mahabang damit.
Mangha si Roger. “Ano’ng nangyari?”
“Ibang klaseng mga ipinahid nila sa akin, mga itinapal ... iyan ang nangyari.”
“Wala man lang kahit anong marka ng mga kurot. Ang kinis-kinis ng iyong tiyan, parang umiilaw sa sobrang kinis! Ang ganda-ganda ng iyong tiyan pagkatapos mong kurut-kurutin! Puro sugat at dugo ang tiyan mo kanina lang, a!”
Medyo pabulong nang sumagot si Alona. “Roger, ibang klase sila. Mga misteryoso talaga. Hindi ordinaryong tao ang mga taga-Itom.”
“Nakakatakot pero ... nakakabilib din.”
“Siguro nga importante tayo sa kanila, pati itong baby natin. Dahil kung hindi, hindi nila ako pagagalingin, hindi ba? Para akong reyna kanina habang ginagamot nila.”
“Salamat na lang at maayos ka na!”
“Kakain na kayong dalawa. Pagsisilbihan namin kayo. Doon kayo kakain sa bughaw na bahay. Espesyal na kainan iyon para sa mga espesyal na tao tulad ninyo.” Nagsalita ang isang babaing taga-Itom.
Napahanga na naman sina Alona at Roger sa tinatawag na bughaw na bahay. Isang mahabang mesa na puno ng pagkain ang naroroon. Napakalamig ng bughaw na bahay, akala mo may aircon.
“Masaganang hapag na naman ang inihain sa atin! Sana pagkatapos nito ay hindi na pahirap na kung ano na namang seremonya.”
Nagpakabusog ang mag-asawa dahil hindi rin naman talaga nila mahindian ang mga masasarap na inihain sa kanila.
At saka sila pinasakay sa napakataas na duyan na sa ibaba ay parang siga na walang apoy, ang lumalabas ay napakaitim na mga usok.
ITUTULOY
- Latest