Pangalawang Anino (13)
SI ROGER ay nagising sa kulungan ng baboy. At pitong maiitim na baboy ang kumakagat-kagat sa kanya.
“AAAAHHHHH! Lintek na! Layo! Lumayo kayo sa akin!” Bigla siyang napabangon at sumiksik sa sulok ng kulungan.
“Bakit ako nandidito? Nasaan na si Alona? Pinakain n’yo ba ang jowa ko sa baboy, ha?”
May lumapit pero hanggang labas lang ng kulungan ng baboy. Dalawang lalaking kasing-edad ni Roger, mga nakapula rin ng kasuotan.
“Hoy! Ka-lalaki mong tao ang ingay mo! Magtino ka kung ayaw mong ipakain ka na nga sa mga baboy na ‘yan!”
“Inamuy-amoy ka lang naman, a! Bakit, kinagat ka ba?”
“Nasaan na nga si Alona? Ano’ng nangyari sa kanya, puro sugat siya kanina dahil sa mga kurot!”
“Sige, maligo ka muna diyan sa poso at dadalhin ka namin sa kanya! Nakikita mo ba ‘yang pantalon at polong puti na nakasampay diyan sa sanga ng kahoy? Iyan ang isuot mo. May sabon din diyan!”
Nagmadaling naligo si Roger, excited na makita ang kabit na buntis.
Pangisi-ngisi na, pakanta-kanta pa.
Nakatingin pa rin sa kanya ang dalawang taga-Itom. Mga nakakunot-noo.
“Masaya ka pa! Hindi ka ba nakukunsensya nang-iwan ka ng asawa at dalawang anak mo? Mas pinahahalagahan mo ang iyong kalaguyo?”
“Huwag ninyong pakialaman ang personal na buhay ko! Kapag kayo tinamaan ng pag-ibig at kati sa katawan, ganoon talaga, tumatabingi utak ninyo!”
Ngumiti naman ang pangalawang taga-Itom. “Aba, hindi kami galit sa ‘yo, ha? Ikaw nga ang pag-asa namin, e! Tamang-tama kayo ni Alona para magdala ng kakaibang nilikha sa aming mundo!”
Nagulat at nagtaka si Roger. “Ha? Ano’ng ibig ninyong sabihin?”
“Hanggang doon lang ang sasabihin namin. Bawal na ang magdagdag. Bilisan mo na, ituloy mo ang ligo. Mamaya, pauusukan pa namin kayo ni Alona!”
“Ano? Ano kami, tinapa o punong-kahoy na maraming higad?”
Ngumisi ang isa. “Kakaibang usok! Itim na itim! Kasing-itim ng ... anino!” Kinilabutan si Roger. “Ang dami n’yo talagang misteryo dito sa Itom! Tiyakin n’yo lang na wala kayong katarantaduhang gagawin sa amin ni Alona, ha?” - ITUTULOY
- Latest