House Of Death (167)
HINDI ma-appreciate ni Azon na nakakakita rin siya ng multo.
Lumapit sa isa pang doctor, tiningnan na ang mga paa nito, nakaangat ba sa lupa o hindi?
Napangiti siya. “Hindi ka multo. Nakatuntong ang mga paa mo sa lupa.”
Nagtaka ang doctor. “Miss, may kailangan kayo sa akin?”
“Gamutin mo ang asawa ko, unahin mo, magbabayad ako kahit malaki. Mahirap kasi dito sa public na ospital, lahat yatang dinadala dito posibleng mamatay. Kaya sige na, pagalingin mo si Temyong. Kailangan ko pa ang asawa ko dahil magaling dumiskarte ‘yon.”
Napailing na lang ang doctor. “Ang dami ninyong sinabi, bilang manggagamot ay gagawin ko naman ang tungkulin ko. Teka, ano ba pangalan ng pasyente?”
SI MARIO ay nakikita na ang asawa.
Gusto niya itong yakapin pero lumusot lang ang mga braso niya.
“Oo nga pala, kaluluwa ka na. Tena sa loob, huwag ka dito, delikado pa rin ang mga maiitim na multo.”
“Mario, huwag kang matakot dahil kaya na namin silang labanan ni Benilda. Pero ang talagang gusto ko ay mawala na silang tuluyan dito. Pati ang multo sa wheelchair. Para matiwasay na kayong mabubuhay dito ng mga anak natin.”
“Hindi naman natin alam kung paano mangyayari ‘yon, hindi ba? Talagang matindi ang naglalaban para sa bahay na ito. Nabuwis pa nga ang buhay mo. Gusto ko, umalis na lang kami dito. Pero sumama ka sa amin. Bumalik na lang tayo sa bahay natin sa tabing-ilog kahit binabaha.”
“Hindi, Mario. Ang dami nang nangyari para sa bahay at bakuran na ito. Sayang naman ang buhay ko kung isusuko ninyo ito. Ibinigay ito ni Benilda sa atin at hanggang ngayon, iyon pa rin ang gusto niya, na tayo ang manirahan dito. Kaya lalaban tayo.”
“Hanggang kailan? Hanggang kailan ka nandidito sa daigdig, Anna? Wala bang masamang mangyayari kung hindi mo kami iiwan?”
Hindi makasagot si Anna.
“Hindi ko rin naman alam kung ano ang gusto ko. Iwan mo ba kami o lagi kitang makikita. Pero ... pero ayaw ko naman na matulad ka kay Benilda at sa mga magulang niya. Parang ayaw nang pumunta sa langit.”
“Mario, pitong beses na magtatangka ang liwanag at mga anghel na kunin ako bago sila susuko. Nakaisa na, tinanggihan ko sila. May anim na pagkakataon pa. Kailangan bago maubos ang anim na iyon, naalis na namin ni Benilda ang mga masasamang puwersa sa bahay at bakuran na ito. - ITUTULOY
- Latest