House Of Death (165)

KAPAG nalulungkot ang kaluluwa ni Anna, ayaw nitong magpakita sa kanyang pamilya.

Nalulungkot siya dahil hindi niya maiwan ang asawa at mga anak. Kahit gusto na niyang pumunta at manatili sa langit, napakahirap gawin.

Gusto niya muna kasing ayusin ang buhay ng mga maiiwan.

GUSTO namang makausap ni Mario ang kaluluwa ni Anna. Mula nang mamatay ito, natatanaw lang niya, hindi pa sila nakapag-usap.

“Anna! Anna!” Tinatawag niya ito sa lahat ng sulok ng mansiyon. Pati sa labas.

“Anna! Mag-usap tayo, mahal. Magpakita ka naman. At kung puwede lang, huwag kang palagi dito sa labas. Naririto sa labas ang mga masasamang multo, posibleng may gagawin sila sa iyo.”

Pero kahit man lang paramdam ay walang nangyari. Tahimik na tahimik pa rin ang kaluluwa ng kanyang asawa.

Pati mga anak ni Anna ay panay din ang tawag sa ina.

“Inay, nandidito po ba kayo? Bakit hindi na kayo nagpapakita? Umalis na po ba kayo? Nagpunta na sa langit?”

“Inay, sana naman po hindi pa. Huwag ninyo kaming iwan muna. Hindi po namin kaya na hindi na namin kayo makikita.”

“Inay, tawag nang tawag din sa inyo si Itay. Gusto niya kayong makita at makausap. Nasaan na po kayo?”

Napapunta sila sa saradong bodega.

Bigla nilang naalala ang naghihiganting multo na naka-wheelchair. Layo kaagad ang mga anak.

“Huwag tayo diyan. Baka biglang bubukas ang pinto at lalabas ang wheelchair! Baka tayo ang gagamitin sa kanyang paghihiganti sa mga may atraso sa kanya, tulad ni Inay!”

“Pero, Ate ... matagal nang nananahimik ang multo sa wheelchair. Baka naubos na niya ang mga gustong paghigantihan.”

“Nasisiguro ba natin ‘yon? Hindi, ‘di ba? Angkan ang gusto niyang paghigantihan kaya tiyak na hindi pa ubos ang mga ‘yon. At kapag may pagkakataon, gagawin niya uli ang paghihiganti.”

“Kaya hindi talaga tayo dapat pumasok diyan sa bodega, Ate?”

“Tama. Iyon ang pinaka-safe. Kung puwede nga, huwag ta­yong lumapit. Tandaan ninyo ‘yan.”

“Okay. O, doon naman natin hanapin si Inay sa kusina. Baka kasi nami-miss lang niya ang magluto sa atin, nandodoon na pala siya!”

 Itutuloy

Show comments