KINABAHAN si Father Basti.
Lalo na nang makita niya si Mario na kasama ang mga anak.
Nakita rin siya ni Mario.
“Father, okay ka na ba?”
“Ah, oo. Ito nga, dadalhin na nila ako sa ER. Ang mga bugbog ko at mga sugat, mukha namang makakayang gamutin. I-ikaw, kayo ... bakit kayo nandidito?”
“Dito rin daw kasi isinugod si Anna, ang asawa ko! May pumukpok daw sa ulo niya doon sa kulungan! Sige, Father ... hahanapin pa namin si Anna!”
Napasulyap si Father Basti sa sulok kung saan naroroon si Anna.
Napatingin naman sa kanya si Mario at sinundan ang tingin ni Father Basti.
Dahil nga pare-pareho naman silang may third eye, nakita rin ni Mario si Anna. Pati ng mga anak nila.
Walang nag-aakalang multo lang si Anna dahil buhay na buhay ang visual nito.
Napangiti kaagad si Mario. “Anna! Nandidiyan ka lang pala! Salamat sa Diyos at okay ka! Akala ko ...”
Unti-unting nawawala si Anna, parang natutunaw ang kanyang image sa mga mata ni Mario at mga anak.
“Anna! Anong nangyayari? Bakit...” Nagkatinginan sina Father Basti at Mario.
Pati mga anak ay kinikilabutan, naiisip na ang pinakamasakit.
“F-Father ... nakita mo siya ... at alam mo nang ...”
“Hindi ko rin alam noong una, Mario. Akala ko isang maganda at mabait na babae lang na nakatingin sa kalagayan ko.”
“Hindiiii!”
Yumakap ang mga anak kay Mario, umiiyak na rin.
Sinikap ni Father Basti na kahit masakit na masakit pa ang katawan ay makatulong sa pagpapakalma ng pamilya.
“Ganito na lang isipin ninyo. Masuwerte tayo dahil nakakakita tayo sa kabilang mundo. Masuwerte kayo dahil kahit nasa ibang daigdig na si Anna, makikita pa rin ninyo siya.”
“Iba pa rin ‘yung buhay ang asawa ko at nanay nila, Father! Ang hirap tanggapin na magkaiba na ang mga mundo namin! Bakit siya napatay? Napakabait ni Anna! Napaka-unfair naman! Nakulong na nga tapos napatay pa! Dahil ito sa mansiyon! Malas! Napakamalas ang mansiyon na iyon, isinusumpa talaga!”
ITUTULOY