House Of Death (61)

 ITINAYO nila sa isang sulok ng bakuran ang imahe, ipinatong sa malapad na bato.

“O sige, sasabihin na lang natin sa kanyang harapan ang ganito. Sumasamba kami sa iyo, panginoon ng kadiliman! Paulit-ulit. Siguro naman pagdadasal na rin iyon sa hari ng kasamaan, hindi ba?”

“Tama ka nga siguro, Temyong. O, mga anak ... iyon na ang sasabihin natin, ha? Paulit-ulit. Sumasamba kami sa iyo, panginoon ng kadiliman.”

Sumasamba kami sa iyo, panginoon ng kadiliman.

Sumasamba kami sa iyo, panginoon ng kadiliman.

Sumasamba kami sa iyo, panginoon ng kadiliman.

Ang araw ay nagtago sa ulap. Ang mga ulap ay nagkulay itim.

Takot na yumakap sa isa’t isa ang pamilya ni Mario. Si Mario na nakapasok na sa mansiyon kahit hirap na hirap sa bugbog, nakita sa bintana ang nangyayari sa labas.

“Anna, nagdadasal na sila sa masamang imahe! At tingnan mo ang paligid ...”

“Mario, ano na ang gagawin natin?”

“Lalabanan n’yo rin sila ng dasal. Kapag taimtim ang inyong dasal, maipagtatanggol ninyo itong bahay. Hindi nila maipapasok ang imahe. At basta hindi maipasok ‘yon, hindi pa kayo talo. Tutulong naman ako. Pero tatapatin ko na kayo, hindi ako masyadong makakahingi ng tulong sa langit. Dahil may kasalanan din ako.”

“Benilda ... ano’ng kasalanan mo sa Diyos?”

“Sumuway ako. Ilang beses na siyang nagpadala ng liwanag, ng anghel ... pero ayokong sumama. Dahil ayokong iwan ang mga demonyo kong kamag-anak na naghahari ngayon dito sa dati na­ming tahanan.”

“Paano ‘yan? Hindi ka na ba tatanggapin sa langit? Dahil sumuway ka?”

“Hindi pa naman ako tuluyang itinakwil. Kaya nga kahit ilang panunukso na ang ginawa sa akin ng kabilang puwersa, hindi nila ako nakuha.”

“Kailangan na pala talagang mawala dito ang mga kadugo mong masasama, para rin matahimik ka na. At makasama sa piling ng Diyos ang iyong mga magulang, Benilda.” Naawa nang husto kay Benilda si Anna.

“Masyado na akong matagal na nagmamatigas sa pagtawag ng langit sa akin. Gusto ko na rin namang mamahinga. Pero ... pero paano ko mahahayaang mababoy ang aming tahanan na sagrado sa aking puso?” Itutuloy

 

Show comments