Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Amy, 21 years old at graduating pa lang sa college. Mahal na mahal ako ng aking mga magulang at mahal ko rin sila. Lahat ng layaw ko ay sinunod nila at talagang wala akong maipipintas sa kanila. Kaya lang, kamakailan ay may natuklasan akong sikreto. Hindi pala nila ako totoong anak kundi isang ampon lang. Nabisto ko ito sa pagbubuklat sa mga lumang photo album ng aking mga magulang. Nakaipit doon ang isang sulat mula sa tunay kong ina na nagsasabi sa kinikilala kong mga magulang na alagaan akong mabuti. Sa natuklasan ko, sinumbatan ko ang aking nakagisnang ina at ama. Napakasakit palang malaman ang totoo. Dapat ko ba silang iwan at hanapin ang tunay kong mga magulang?
Dear Amy,
Siguro nga’y masakit na malaman mong hindi ka tunay na anak. Pero kung iisipin mo na minahal ka ng mga taong hindi mo kadugo nang higit pa sa tunay na anak ay dapat mo itong ikaligaya. Dapat kang matuwa dahil sa dami ng maaampon, ikaw ang napili ng mga magulang na kinikilala mo ngayon kaya huwag kang maghinanakit sa kanila. Hindi mo nasabi kung ano ang dahilan at ipinamigay ka ng iyong tunay na ina. Pero ano man iyon, naniniwala akong mabigat ang rason kung bakit niya ito nagawa. Kung ibig mong hanapin ang iyong tunay na mga magulang, karapatan mong gawin iyan, pero huwag mo rin sanang tuluyang talikdan ang mga magulang mo ngayon na umaruga sa iyo nang buong pagmamahal.
Sumasaiyo,
Vanezza