Dear Vanezza,
Ako si Maring, 54 anyos at biyuda na. Namatay ang asawa ko last year. Ang problema ko ay ang aking anak na panganay. Nahiwalay siya sa kanyang asawa at ngayo’y may kinakasamang may asawa rin. Noon pa mang una ay pinagbawalan ko na siya. Sabi ko, malaking kasalanan sa Diyos ang ginagawa niya. Pero sumige pa rin siya at nakipag-live in sa lalaking iyon. Nabalitaan ko na sinasaktan siya madalas ng lalaki. Ano ang dapat kong gawin?
Dear Maring,
Nagawa mo na ang bahagi mo bilang ina pero hindi nakinig sa iyo ang iyong pasaway na anak. Nasa edad na ang iyong anak at alam na niya ang kanyang ginagawa. Kung totoong pinagbubuhatan siya ng kamay ng kanyang kinakasama, puwede siyang magdemanda. Pero kung ayaw niya, ikaw ang magsuplong sa pulis para maputol ang kalupitan ng lalaking iyan. Sa kabila ng lahat, manatili kang isang ina sa kanya. Magtiyaga kang magbigay ng moral support sa kanya at kahandaang tumulong kung magsisi siya at iwanan ang kanyang asawa.
Sumasaiyo,
Vanezza