Pesteng Air Bubbles sa Paglalagay ng Wallpaper
Maganda ang pag-repaint ng mga dingding na naluma na ng panahon. Pero may isa pang paraan para mapaganda ang lumang-luma nang dingding sa ating mga tahanan. Isang option ang paglalagay ng wallpaper sa dingding lalo na sa mga kuwarto. Bukod sa iba’t ibang kulay na maaaring pagpilian, marami na ring disenyo ang mga wallpaper na nabibili sa mga hardware. Kahit may kamahalan, mas maganda naman itong tingnan at mas matatagalan pa bago palitan.
Pero paano nga ba kung sa paglalagay ng wallpaper ay sirain ito ng mga “air bubble”? Hindi naman maaaring baklasin ang naidikit nang wallpaper dahil masisira ito. Kung malaki sa isang pulgada ang air bubble, standard procedure na ang paghihiwa ng ekis (X) sa lugar na may hangin at pag-brush ng pandikit.
Kung maliit naman sa isang pulgada ang air bubble, puwedeng hindi na ito hiwain. Bumili lang ng syringe at tusikin ang butas para lumabas ang hangin. Sa pagdikit naman, maglagay lang ng pandikit sa syringe para ma-inject kung saan kinakailangan.
Para naman sa malinis na gawa sa vinyl paper, maghiwa lang ng maliit na butas gamit ang utility knife bago ipasok ang dulo ng syringe.
Hayan, mas malinis na at iwas paghiwa ng malaki sa paglalagay ng wallpaper sakaling magkaroon ng air bubbles. Garantisadong mas malinis na itong tingnan.
Ito po ang inyong Kumpunerong Kuya na nagsasabing, kung gusto ay maraming paraan!
- Latest