Aswang Territory (13)

MASUYONG kinapitan ni Avia si Armani. “Arm, maniwala ka naman sa akin, it’s okay. It’s okay if you eat our food. Wala itong maidudulot na masama sa iyo. Kung mahal mo ako, ang kakainin ko ay kakainin mo rin.”

Unti-unting nakaramdam ng pagtitiwala si Armani. Ng kapanatagan. Ng acceptance.

Ano nga  ba ang dapat niyang katakutan? Kung sa ngalan ng pag-ibig ay ginagawa niya ang isang bagay.

Nang umibig siya kay Avia ay hindi ba tinalikuran na niya ang lahat na tanong? Tatanggapin niya ang ano mang pagbabago na katumbas ng pagmamahal na tunay.

“Oo, Avia. Kakain na ako. Sasali ako sa inyong dinner.”

Napangiti si Avia. “Then let’s go to the dining table. And taste … and enjoy our food.”

Kapit-kamay na  pumunta sa dining room ang magkasintahan, kasunod ang dalawang kuya at ang maid.

Nagkakatinginan ang mga kuya. Napatingin din sila sa maid. Nagkangitian.

KONDISYON na ang utak ni Armani nang humarap sa dining table na puno ng mga pagkain. Naamoy naman niya ang sarap. At kumalam ang kanyang sikmura na kanina pa hindi nadadapuan ng pagkain.

Nang umupo ang buong pamilya ni Avia pati si Avia, umupo na rin si Armani. Nagulat pa siya dahil bago kumain ay magdadasal daw muna.

Ang magli-lead ay ang padre de familia ng tahanan.

Ngumiti si Avia kay Armani. “Gumaya ka na lang sa amin, ha?”

“Oo, Avia.”

Pumikit at pinagdikit ng buong pamilya ni Avia ang mga palad. At bumigkas ng dasal.

“Isang kapangyarihan na nakakasakop ng pangkalahatan, salamat sa biyayang masarap mula sa bukal ng buhay. Salamat, salamat, salamat.”

Tapos na ang panalangin. Nagsalita kay Armani ang ina ng tahanan.

“Ikaw ang aming panauhin kaya iyo ang karangalan na umunang maglagay ng pagkain sa iyong bibig.”

Tahimik na sumunod si Armani. Dinampot ang malagintong serving spoon, kumuha ng isang kutsarang  pagkain mula sa malaking bandehado, inilagay sa kanyang sariling plato. At tinikman niya ang pagkain na iyon.

Sabay-sabay na nagbigkas si Avia at buong pamilya. “Tinatanggap namin tulad ng pagtanggap ng kanyang bibig ng pagkaing mula sa laman at dugong buhay. Itutuloy

Show comments