PINAGTAWANAN lang ni Reyna Coreana ang mga tao ni Lorenz na ngayon ay bagsak lahat sa lupa, mga nangapaso.
“Sige, diyan muna kayo! Personal kong pupuntahan sa chamber ko ang pangahas na Miley na ‘yon! Alam kong nangahas siyang subukan na talunin ako! Papatayin ko siyaaa!”
Dumipa si Reyna Koreana/Reyna Miley.
At napatanga na lamang ang mga tao ni Lorenz dahil parang anghel na walang pakpak na nakadipang nakalilipad ang reynang masama.
Patungo ito sa kanyang kuta.
MAG-ISANG nakipaglaban si Lorenz sa mga undead soldiers. Na ngayon ay lalo pang dumami. May mga normal na undead soldiers. May mga doble ang taas, mga higante.
Ang mga undead soldiers na minadyik lang ni Reyna Coreana.
Ni hindi magawang tanggalin ni Lorenz ang tali ni Miley na hanggang ngayon ay wala pa ring malay.
Dahil wala siyang pahinga sa pakikipaglaban. Napapagod na nga siya. Isa laban sa napakarami.
Magiting man na mandirigma ay walang panalo kung wala siyang kasama. Laban sa napakaraming kaaway.
Paubos na rin ang mga tanim na kanyang sandata.
Nagkamalay si Miley. Pero naisip niyang mabuti pang tuluyan na lang siyang namatay. Kaysa makikita ang kaawa-awang kamatayan ni Lorenz.
Napaluha si Miley. “Lorenz ... nabigo ako. At ngayon ... tulad ni Blizzard ... wala akong magagawa para mailigtas ka.”
“Ang ating reyna!” Napaturo sa itaas ang isang undead soldier.
Pababa na ang reyna ng kasamaan mula sa kanyang paglipad na nakadipa.
Tawa ito nang tawa, dahil naniniwala siyang siya ay nagtagumpay.
“Lorenz, yakapin mo na lang ako. Mamatay man tayo, hindi natin mararamdamang nag-iisa lang tayo.”
Lumapit si Lorenz kay Miley at luhaan na ring yumakap sa dalaga.
Nakatayo na ngayon sa lupa si Reyna Coreana. “Mga kawal, lahat kayo, pagpunit-punitin ninyo ang mga katawan ng dalawang ‘yan!”
Susugod na ang mga undead na kawal kina Miley at Lorenz.
Handa nang mamatay ang dalawa. Mamamatay silang nagdadasal, magkayakap.
“Diyos ko, bahala na po kayo sa amin. We trust you. We love you. Tanggapin n’yo po kami sa kalangitan.” Sigaw ni Miley. Itutuloy